Default Thumbnail

Good job, Gen. Remus Medina!

July 30, 2022 Marlon Purification 410 views

Marlon PurificationNAIINTINDIHAN natin ang Philippine National Police (PNP) kung bakit ayaw nilang aminin na resbak ang isa sa posibleng dahilan sa ginawang pagpatay sa tatay ni Chao Tiao Yumol habang nasa labas ng kanilang bahay nitong Biyernes ng umaga sa Lamitan, Basilan.

Isinusulat ito’y gumagawa pa ng masinsinang imbestigasyon ang PNP kung sino ang pumaslang kay Tatay Rolando Yumul na tinambangan dakong alas-6:45 ng umaga.

Kung matatandaan, si Dr. Chao ang responsable sa pagkakapaslang kay dating Lamitan Mayor Rosita ‘Rose’ Furigay, gayundin sa executive assistant nito at isang security gurad ng Ateneo de Manila University.

Naganap ang pamamaslang sa kanila noong Hulyo 24 sa loob ng Ateneo de Manila University sa Katipunan, Quezon City kung saan ay gaganapin sana ang graduation ceremony ng mga law school graduate ng naturang unibersidad.

Sugatan din sa insidenteng ito ang anak ni Mayor Rose na si Hannah na isa sana sa mga ga-graduate noong araw na iyon.

Ayon kay Gen. Remus Medina, director ng Quezon City Police District (QCPD), inamin sa kanila ng suspect na si Dr. Chao ang krimen dahil matagal na umano itong pinapapatay ni Mayor Furigay.

Ang ugat ng kanilang away ay inaakusahan ng doktor ang mayora na sangkot sa pagpapakalat ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang probinsiya, bagay na itinatanggi ng pamilya nito.

Ayon kay Chao, dahil sa mga pagbubunyag niya sa social media ay makailang ulit na rin siyang pinagtangkaang ipapatay ni Furigay kaya ‘inunahan’ na niya ang mga ito, base na rin sa pahayag nito sa pulisya.

Alam kong malaking hamon ngayon para sa Basilan Police Provincial Office ang nangyaring pagkakapatay kay Tatay Rolando.

Kaya naunawaan ko ang PNP kung bakit una pa lang ay ayaw agad nila magbigay ng espekulasyon na ‘gantihan’ ang motibo ng krimen.

Naniniwala rin ako sa kanila na tulad ni Gen. Medina at buong puwersa ng QCPD ay gagawin nila ang kanilang tungkulin para madakip agad ang mga salarin.

Sa puntong ito, bigyang-daan muna natin ang papuri at pagsaludo kay Gen. Medina dahil kung hindi sa maayos na pamamahala nito, malamang ay hindi rin agad nahuli si Dr. Chao.

Matapos kasi niyang pagbabarilin sina Mayor Furigay ay tinangka nitong tumakas na nagresulta ng umaatikabong habulan.

Salamat ng marami sa mga sibilyang tumulong na masakote si Chao. Salamat din sa maagap na pagresponde ng QCPD.

Ang ibig lang sabihin nito, maayos ang ginawang ‘police visibility’ ng QCPD dahil na rin sa pagtitimon ng hepe nilang si Gen. Medina.

Nang mangyari kasi ang barilan sa Ateneo, abala si Gen. Medina at buong puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa preparasyon ng kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

In fairness kina Gen. Medina at NCRPO chief Maj. Gen. Felipe Natividad, maayos ang ginawa nilang preparasyon para sa SONA ng Presidente.

Katunayan, hindi lamang sa mga militanteng grupo nakipag-ugnayan si Gen. Medina. Kahit sa mga organizers ng pro-BBM rally na pinamunuan nina Anakbayan Partylist Rep. Mike Defensor, dating Quezon City Congressman Winnie Castelo at Boss Edwin Rodriguez ay masinsinang ang kanilang pakikipag-usap.

Maging si QCPD Chief Directorial Staff Col. Jess Ligan ay maayos na nakipag-ugnayan kina Cong. Mike, base na rin sa utos ni Gen. Medina.

Ang nakatutuwa sa heneral, may hiwalay itong pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil namahagi rin ng ‘ayuda’ noong mismong araw ng SONA ang tanggapan ni Sec. Erwin Tulfo.

Lingid sa kaalaman ng ating mga kababayan, ang SONA ng Presidente ay sinabayan ni Sec. Erwin ng pamamahagi ng ayuda sa mga taga-Quezon City. Ilan sa mga nabigyan ay mga taga-Bgy. San Vicente, Bgy. Commonwealth, Bgy. Fairview, Bgy. Damayang Lagi, Bgy. Krus na Ligas, Bgy. Bagong Pag-asa, Bgy. Tatalon, Bgy. Old Capitol Site, Bgy. Payatas, Bgy. Bagong Silang at marami pang iba.

Nagpapasalamat din tayo kina DSWD Secretary Erwin Tulfo at sa mga masisipag na Undersecretaries Jerico Javier at Allan Tanjusay na masinsinang nakipag-ugnayan sa grupo ni Gen. Medina.

Ang nakatutuwa, nagpa-ice cream pa ang heneral para naman sa mga ralisyista ng militanteng grupo, habang ang may 20,000 pro-BBM supporters na naglatag ng concert rally sa pangunguna nina Cong. Mike at ng grupong Malayang QC ay maayos ding nabantayan ng QCPD.

Kung ang lahat ng heneral ay kasing galing ni Gen. Remus Medina, nasisiguro kong hindi na mahihirapan ang administrasyon ng Pangulong Marcos na maisulong nang maayos ang pagpapanatili ng peace and order sa bansa.

Kudos, Gen. Medina for a job well done!