Gonzales

Gonzales pinuri economic agenda, kooperasyon sa Kamara ni PBBM

November 27, 2024 Ryan Ponce Pacpaco 110 views

IKINAGALAK ni House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang pagtaas sa “positive” ng credit rating outlook ng Pilipinas sa S&P Global Ratings, at kinilala ang economic agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pag-abot ng tagumpay na ito.

“Ang positibong credit outlook ay patunay ng mahusay na pamumuno at mga polisiya ni Pangulong Marcos na nakatuon sa pagpapalakas ng ating ekonomiya,” ayon kay Gonzales.

Iniuugnay ni Gonzales ang tagumpay na ito sa maagap na pamamahala ng administrasyon at strategic economic reforms, pati na rin sa kooperasyon ng House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“Sa ilalim ng liderato ni Pangulong Marcos, natutukan natin ang mahahalagang reporma na nagbigay daan sa mas matatag at mapagkakatiwalaang ekonomiya. Ito ang resulta ng maayos na kooperasyon sa pagitan ng ehekutibo at lehislatibo,” pagdidiin pa ng mambabatas.

Nagkaroon ng mahalagang papel ang Kamara de Representantes sa pagsuporta sa economic agenda ng administrasyon sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga pangunahing batas, tulad ng Public-Private Partnership (PPP) Act at mga pagbabago sa Build-Operate-Transfer (BOT) Law, na nagtataguyod ng pag-unlad ng ekonomiya at paghikayat ng mga pamumuhunan.

“Sa Mababang Kapulungan, siniguro namin na maipasa ang mga batas na magpapabilis sa pag-angat ng ekonomiya at magbibigay ng mas maraming oportunidad sa ating mga kababayan,” dagdag pa ni Gonzales.

Binigyang-diin niya na ang tagumpay na ito ay magdudulot ng mga konkretong benepisyo para sa mga ordinaryong Filipino, tulad ng pagtaas ng mga oportunidad sa trabaho at pagpapabuti ng pamumuhay.

“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa gobyerno; ito ay para sa bawat Pilipino na nagsusumikap para sa mas magandang kinabukasan,” giit pa ng mambabatas.

Pinuri ni Gonzales ang pagtutok ng administrasyong Marcos sa pagbangon ng ekonomiya sa kabila ng mga isyu sa politika at mga hamong panlabas.

“Kahit marami ang ingay sa paligid, nananatili ang atensyon ng administrasyon sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya at pagbibigay ng ginhawa sa ating mga kababayan,” saad pa nito.

Hinimok ni Gonzales ang patuloy na pagtutulungan ng lahat ng sektor upang mapanatili ang positibong takbo ng ekonomiya ng bansa.

“Patuloy tayong magkaisa upang mapanatili ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan at masiguro ang patuloy na pag-angat ng ating ekonomiya,” aniya.

Hinimok din niya ang pagiging maingat at tapat sa pamamahala ng pondo ng bayan upang mapanatili ang tiwala ng mga mamumuhunan.

“Ang tiwala ng mga mamumuhunan ay nakasalalay sa ating kakayahan na maging tapat at maayos sa pamamahala ng pondo ng bayan,” giit pa ni Gonzales.

Ipinahayag din ni Gonzales ang kanyang pasasalamat sa mga Filipino para sa kanilang tatag at sipag.

“Ang ating tagumpay sa ekonomiya ay dahil sa sipag at dedikasyon ng bawat Pilipino. Sama-sama nating itulak ang ating bansa patungo sa mas maliwanag na kinabukasan,” ayon pa sa mambabatas.

AUTHOR PROFILE