‘Gold medal,’ sa wakas!

July 27, 2021 Paul M. Gutierrez 41 views

PaulKASAMA ang buong sambayanang Pilipino, binabati natin si Phil. Air Force Sergeant Hidilyn Diaz, ang “kauna-unahan” sa hanay ng mga atletang Pinoy na makakuha ng medalyang ginto (weightlifting) sa ‘Olympics,’ sapul ng sumali dito ang ‘Pinas noong 1924 sa Paris, France.

Sadyang “nakatataba” ng puso at siyempre, nakatataas ng ating ‘pride’ at dignidad sa ating mga Pinoy ang kanyang tagumpay, tagumpay na “dinagdagan” pa niya ng bagong ‘Olympic (world) record’ matapos bumuhat ng kabuuang 224 kilos sa 55-kilogram category—sobra pa sa doble sa kanyang sariling timbang.

***

Na patungo sa higit pang tagumpay si Hidilyn Diaz, na tubong Zamboanga, ay makikita sa kanyang mga nakaraang panalo— silver medal, 2016 Rio Olympics, gold medal, 2018 Asian Games at gold medal, 2019 ASEAN Games.

Sa ating pagkatanda, huling “nagbunyi” ang ‘Pinas noong 1996, sa pagtatapos ng Atlanta Olympics kung saan nakapag-uwi ng ‘silver medal’ ang boksingerong si Emmanuel ‘Onyok’ Velasco, ang “pinakamataas” na nakuhang medalya ng ‘Pinas, bago ang tagumpay ni Hidilyn na katulad ni Onyok ay galing sa isang mahirap na pamilya sa Negros.

Kumbaga, kung sa silver medal finish ni Onyok, nagbunyi ang mga Pinoy, eh mas higit dito sa medalyang ginto, hindi, ba mga kabayan?

At bagaman nga ‘instant millionaire’ ngayon si Hidilyn dahil sa mga naghihintay na pabuya (P33 milyon o higit pa), alam nating ‘fully deserving’ naman si Hidilyn.

Marami siyang hirap at sakripisyo na pinagdaanan, bagay na inamin naman niya sa panayam ng midya.

Harinawang madagdagan pa ang ating medalyang ginto.

Ang ating sunod na aabangan? Ang resulta ng laban ni Sen. Manny Pacquiao at Errol Spence sa susunod na buwan.

Gumawa na naman kaya ng kasaysayan ang ating Pambansang Kamao sa larangan ng boxing? O dito na magtatapos ang kanyang “buwenas?”

Abangan!

AUTHOR PROFILE