Default Thumbnail

Gobyerno, ‘wa gastos’ sa SEAG “kaldero”

September 29, 2021 Paul M. Gutierrez 417 views

PaulNOW, it can be told.

Ni isang singkong duling pala ay walang ginastos ang ating gobyerno sa pagpapagawa ng ‘cauldron’ para sa Southeast Asian Games o SEAG noong Dec. 2019 kung saan naging overall champion ang Pinas. “We won as one,’ wika nga.

Pribadong sektor pala ang gumastos sa pagpapatayo ng SEAG cauldron na nagkakahalaga ng P50M.

Ang paglilinaw ay ginawa ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na sya ring nangasiwa ng Philippine South East Asian Games Organizing Committee o (PHISGOC), sa panayam sa kanya ni Boy Abunda noong nakaraang linggo.

Kung inyong matatandaan, binatikos ng mga kontra administrasyon ang naturang cauldron dahil sa napakamahal daw nito sa halagang P50M—kung saan kasama sa “nagisa” ay si ex-Speaker Alan.

Kung tutuusin, mas mura pa nga ang SEAG cauldron natin kumpara sa mga SEAG cauldron na ginawa ng ating mga karatig-bansa sa ASEAN.

Oops! Sa mga hindi alam, ang ‘cauldron’ (“kaldero”) ang “sinisindihan” sa pagsismula ng torneo, katulad ng ‘Olympic Torch’ sa ‘Summer Olympiad.’

Take note na ang gumawa at nagdisensyon ng Manila ‘cauldron’ ay ang ating ‘National Artist for Architecture’ na si Francisco Manosa, mismo!

Ang sabi nga ni Cayetano, puwede namang gawing “just-just” yung kaldero o para lang masabi na “meron” pero, bakit nga naman natin gagawin ‘yun bilang isang bansa lalo na at nabigyan tayo ng pagkakataon na ipakita sa buong mundo na kaya rin nating magtayo ng mga world sports facilities na ngayon ay pinupuri ng mundo, aber?

Sa naturang interview, sinabi pa ni Cayetano na maraming sponsors ang umatras dahil sa kontrobersiya at isyu ng korapsyon na ipinukol sa paggawa ng SEAG cauldron.

Mas marami pa sana aniya na pondong papasok mula sa mga pribadong kumpanya ngunit napigilan ito dahil sa crab mentality at mga akusasyon ng katiwalian na ipinukol sa SEAG cauldron.

Sinabi pa ng dating lider ng Kamara, na hindi perpekto ang kanyang buhay pulitika pero ni isang kusing ay di sya nagtamasa at wala syang ibinulsa mula sa pagdaraos ng 2019 SEAG.

Sa totoo lang, hindi rin natin maintindihan ang iba nating kababayan na pilit na ibinabagsak ang mga pagkakataon na dapat ay ‘shining moment’ na natin bilang mga Pilipino.

Ito ay sa kabila ng katotohanan na umabot ng 387 medalya ang nakopo ng ating mga atleta sa 2019 SEAG, 149 dito ay mga medalyang ginto, sapat para tanghalin ang ‘Pinas bilang ‘overall champion.

Gayun pa man, ang ingay at mga akusasyon na ipinukol sa 2019 SEAG ay di rin nagkaroon ng buhay.

Sa halip, pinuri pa ni Olympic Council of Asia Vice President Wei Jizhong ang mga organizers ng naturang palaro at maging si Pangulong Duterte dahil ipinakita anya ng Pilipinas na kaya na nitong mag host ng mas malaki pang sports events.

Kaya naman yung mga fake news na pinakawalan para gibain ang 2019 SEAG ay nanatiling fake news na lang hanggang ngayon.

Kaya yung mga kritikong dumakdak, hanggang dakdak na lang ang nangyari sa kanila. Imbes na makatulong sa ating bansa, sila pa ang naging dahilan ng pag-atras ng maraming sponsors sa SEAG, tsk!

Tandaan natin, kahit ano pa ang gawin ng mga kurimaw, ‘fake news is fake news,’ tama ba, incoming Romblon congressman, Joey Venancio?

AUTHOR PROFILE