Duterte Go

Go-Duterte ‘Kasado’ na sa 2022 Polls

August 24, 2021 People's Tonight 401 views

PRRD pumayag nang magbise-presidente

PORMAL nang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-eendorso sa kanya ng ruling party Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na tumakbong bise-presidente sa darating na halalan sa Mayo 2022–nangangahulugang “kasado” na rin ang pakikipagtambal niya kay Senator Bong Go–bilang standard bearer naman ng partido.

Matatandaang ipinahayag ng Pangulo na ikokonsidera o tatakbo lamang siya sa pagkabise-presidente kung ang magiging katambal o pangulo niya ay isang kapartido at makakasundo sa pagpapatakbo sa gobyerno.

Maaalala rin na ininomina o inendorso ng national executive council ng PDP-Laban ang tambalan nina Sen. Go at President Duterte para maging pambato nito sa darating na pambansang halalan.

Inanunsyo kahapon sa pamamagitan ng isang kalatas ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, executive vice president ng PDP-Laban, na pumayag na ang Pangulo sa alok ng partido na tumakbong vice president sa darating na halalan.

Ani Nograles, nakipagpulong si Pangulong Duterte nitong Lunes sa mga opisyal ng partido.

“President Rodrigo Roa Duterte agreed to make the sacrifice and heed the clamor of the people, and accepted the endorsement of the PDP Laban Party for him to run as Vice President in the 2022 National Elections,” sabi ni Nograles.

Ang naturang paksyon ng PDP-Laban na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang siya ring nagnomina kay Sen. Bong Go para maging “manok” sa pampanguluhang karera sa 2022.

Sinabi ni Sen. Go na wala siyang ambisyong abutin ang pinakamataas na posisyon sa bansa ngunit inihayag rin niya kamakailan na posibleng magbago ang kanyang desisyon kung si Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang magiging katambal na bise-presidente.

“Gaya ng sinabi ko noon, ang makapagbabago lang ng aking desisyon na tumakbo bilang Presidente ay kung si Tatay Digong ang aking magiging Bise Presidente,” ayon kay Sen. Go.

Sinabi ni Go na nais niyang si Pangulong Duterte ang kanyang maging ka-tandem sa pampanguluhang halalan hanggang sa pagsisilbi sa bayan dahil naniniwala siyang ito ang magiging “continuity” ng pamamahala sa pamahalaan.

Ganito rin ang naging pahayag ng Pangulo na nagsabing tatakbo lamang siya sa pagkabise-presidente kung makakasundo niya ang pangulo sa pagpapatakbo sa gobyerno.

Ang Go-Duterte ang itinuturing na “super-tandem” at walang katibag-tibag sa darating na eleksyon dahil maraming naniniwala na ito ang magpapatuloy ng magagandang nasimulang programa at proyekto ng Duterte administration.

Matatandaang sinabi rin ni Duterte na ikinokonsidera na niya ang pagtakbong vice president para imantina ang “equilibrium”.

Sinabi rin dati ng Pangulo na pangarap din aniya ni Bong Go na maging presidente ng bansa.

“Nagpapasalamat ako sa Panginoon na nagbibigay lakas sa akin na makapagserbisyo ng maayos. Nagpapasalamat ako sa mga kasamahan ko sa PDP-Laban sa kanilang suporta sa ating iisang hangarin na makatulong nang husto sa ating kapwa. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa taumbayan sa kanilang mataas na tiwala sa akin bilang inyong senador at tagapaglingkod,” ani Go.

“Marahil ito ang nakikita ng partido na tandem para maipagpatuloy ang mga magagandang pagbabago na nasimulan ng administrasyong Duterte. Magsisilbi itong inspirasyon sa akin upang mas pagbutihin ko pa ang aking paninilbihan para sa sambayanang Pilipino,” ang idinagdag niyang sabi.

Sinabi ni Go na ipinagpapasa-Diyos niya ang kanyang magiging kapalaran.

“As I have said many times before, I leave my fate to God, to the Dutertes (both PRRD and Mayor Sara) — kung ano man po ang kanilang magiging desisyon sa pulitika — and to the Filipino people to whom I owe this opportunity to serve our country. Sila po ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na maglingkod kaya hindi ko po sasayangin ang oras na ito na makapagserbisyo sa aking kapwa Pilipino sa abot ng aking makakaya,” anang mambabatas.

AUTHOR PROFILE