Default Thumbnail

GM ng NONECO pinagbabaril sa labas ng food court, dedo

December 21, 2022 Zaida I. Delos Reyes 242 views

PATAY ang general manager ng Northern Negros Electric Cooperative (Noneco) matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspect sa labas ng isang food court nitong Martes ng gabi sa Bacolod City.

Nakilala ang biktima na si Atty. Danny Pondevilla, residente ng Barangay Mansiligan, Bacolod City at dati ring general manager ng Central Negros Electric Cooperative (Ceneco).

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame ang insidente ay naganap sa 16th Lacson street sa naturang lungsod.

Lulan umano ang biktima ng kanyang sasakyan na nakaparada sa lugar nang barilin siya sa likod ng ulo ng suspect na lulan ng motorsiklo.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspect habang hindi naman naabutang buhay ng mga rumispondeng pulis ang biktima.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang basyo ng bala mula sa .45 kalibre ng baril.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyOn ng pulisya upang bigyang linaw ang krimen, malaman ang motibo at maaresto ang suspect.