Sinag

Glaiza emosyonal sa preskon ng bagong pelikula

March 12, 2025 Vinia Vivar 186 views

Hindi napigilang maging emosyonal ni Glaiza de Castro sa grand mediacon ng upcoming musical film niyang “Sinagtala” na ginanap last Tuesday.

Natanong kasi sa lead stars na sina Glaiza, Rhian Ramos, Arci Munoz, Matt Lozano at Rayver Cruz kung paano sila nakabawi sa mga pinagdaanang struggle in life.

Ayon sa kay Glaiza, “Bukod sa prayers, isa sa mga talagang masasabi kong nagsalba sa akin sa kalungkutan ay musika. ’Yun ang ano…”

At this point ay nagsimula nang maging emosyonal ang aktres at tumulo na ang luha.

“Bakit ako naiiyak?” natatawang-naiiyak niyang sabi.

“Sorry, guys, feeling ko lang may PMS ako ngayon, so medyo emotional ako,” dagdag niya.

Paliwanag ni Glaiza, sobrang laking bahagi ng music sa buhay niya lalo na nga kapag may pinagdadaanan siya.

“Kapag pinag-uusapan ‘yung music kasi very significant siya sa akin. Para sa akin, gift talaga ‘yun ni Lord sa akin, sa pamilya ko. Kasi, ano kami, musically-driven na family.

“Every time na may struggle, talagang music ‘yung nagpapasaya. Kaya itong pelikula na ito, noong nakita ko, akala ko nga ‘di ko na magagawa, eh. Pero in-allow ni Lord na mapasama ako rito,” aniya.

Habang ginagawa nga raw nila ang pelikuka ay emotional siya at hindi rin niya alam kung bakit.

“Noong nagsu-shooting pa lang kami ng pelikula, nag-iiyakan na kami. Hindi ko talaga alam kung ano ang mayroon sa pelikulang ito at bakit ako emosyonal. Ayun nga, siguro maraming elements ang movie na ito na talagang nakaka-relate ako.

“Kasi, ‘yung music din talaga is outlet din sa akin. Kumbaga, sobrang grateful ako na sa industriyang ito, talagang nakakagawa ako ng kanta and nase-share ko rin sa followers ko,” sey ng aktres.

“Pero hindi talaga ako yung tipo ng tao na bumibirit, eh. Ang dami ko ring insecurities — sa boses ko, sa kaya kong gawin — pero dahil nga mahilig kami sa pamilyang kumanta, bata pa lang ako na-train na akong kumanta, parang feeling ko lang dumating ako sa age na niyakap ko rin ‘yung boses ko.”

“Again, through this film, parang nagkaroon ako ng bagong purpose sa life as a band leader. Wow!” pagbibiro pa ni Glaiza.

Para naman kay Arci, ang iniidolo niyang Korean boy band na BTS ang nagsalba sa kanya sa maraming pagkakataon dahil ang mga awitin ng mga ito ang nagpapasaya sa kanya.

Looking forward na nga raw siya sa paglabas ng K-pop group sa military.

“Nagtatrabaho na po uli ako ngayon para may pambili ako ng ticket, may pambudol,” natatawa niyang sabi.

Ang favorite BTS song daw niya ay “Yet to Come.”

“Naniniwala ako na sa dami ng pinagdaanan ko, the best is yet to come and this is my year, na magiging blockbuster ang ‘Sinagtala,’” sey ng aktres.

Sa movie ay magkakasama sa isang banda ang mga karakter nina Glaiza, Rayver, Matt, Rhian at Arci. Ipapakita sa pelikula ang kanilang mga struggle at may kanya-kanya rin silang mga highlight.

Showing na sa Apriil 2 ang “Sinagtala” under Sinagtala Productions mula sa direksyon ni Mike Sandejas.

AUTHOR PROFILE