Glaiza

GLAIZA, ‘DI PA HANDA MABUNTIS

May 1, 2023 Vinia Vivar 203 views

Aminado si Glaiza de Castro na natatakot pa siyang magbuntis kaya hanggang ngayon ay wala pa silang baby ng Irish husband na si David Rainey.

Napag-usapan ang bagay na ito sa virtual mediacon ng upcoming drama series niya sa GMA-7 na The Seed of Love since ang role niya ay isang asawa na nabuntis sa pamamagitan ng IVF or in vitro fertilization.

“Majority ng tina-tackle dito (sa serye), ‘yung in vitro fertilization. Siguro sa mga katulad ko, nandoon pa ako sa point na natatakot pa ako, honestly, na magkaanak,” sey ni Glaiza.

“Kasi, iba-iba nga ‘yung journey ng bawat babae. I think, ang advantage ngayon sa panahon natin ay napakaraming options, ‘di ba? Nasa sa ‘yo na ‘yun kung gagawin mo ‘yung option na ‘yun, pero hindi masamang mag-try ng iba’t ibang paraan para magkaroon ng anak, or matupad mo ‘yung gusto mo.

“May mga babae na talagang pangarap nila maging nanay, ‘di ba? May mga babae naman na in-accept na nila na hindi sila magiging nanay, pero, I think, ‘yun ‘yung isa sa mga lesson (ng The Seed of Love), hindi lang sa mga audience, pero ako, na-educate rin ako through this show,” dagdag ng aktres.

Aniya, sa ngayon ay masasabi niyang hindi pa siya ready magbuntis.

“Kailangan kong maging prepared — physically, mentally, spiritually. Kasi nakikita ko rin sa mga kaibigan ko, sa mga kapatid ko, na hindi talaga madali magkaroon ng anak,” wika ni Glaiza.

Matatandaang ikinasal ang aktres kay David noong 2021 sa Ireland at nasundan pa rito sa Pilipinas nitong Enero 2023.

Gusto raw niya na pagdating ng time na magkaroon na sila ng baby ay settled na sila dahil sa ngayon ay marami pang kailangang ayusin.

Kabubukas lang ng bago nilang negosyo last February at busy din sila pareho sa kani-kanilang mga trabaho.

Pero napag-uusapan na nila kung ilan ba ang gusto nilang maging anak.

“Siguro, dalawa lang, ganyan. Pero hindi tayo makakasiguro, ‘di ba? Minsan, kapagka nagse-set tayo, minsan, hindi rin natutuloy. Pero ideally, dalawa po para hindi rin mahirap i-manage,” aniya.

Samantala, magsisimula na ang The Seed of Love sa May 8 pagkatapos ng AraBella sa GMA Afternoon Prime.

Kasama rin sa serye sina Mike Tan, Valerie Concepcion, Allan Paule, Boy2 Quizon, Tina Paner at marami pang iba mula sa direksyon ni Ricky Davao.

AUTHOR PROFILE