Ginang tinaga, kinaladkad palabas ng bahay sa Malabon

January 4, 2022 Edd Reyes 242 views

NAGLAAN ng P.1milyong pisong pabuya para sa pagkadakip ng suspek ang pamilya ng 52-anyos na ginang na umano’y tinaga at kinaladkad palabas ng kanilang bahay ng lalaking kapitbahay na matagal na nilang kaalitan sa Malabon City.

Nakaratay sa Tondo Medical Center ang biktimang si Flordeliza Mamasig ng Block 21, Lot 7, SAPADACA Sitio 6, Brgy. Catmon sanhi ng tinamong sugat sa kanang bahagi ng ulo malapit sa kanyang tainga habang tumakas naman ang suspek na nakilalang si Efren Claud, 52.

Sa ulat na isinumite ni P/SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nangyari ang insidente ng pananaga dakong 4 p.m. noong bisperas ng Bagong Taon sa loob mismo ng bahay ng biktima.

Bigla umanong pinasok ng suspek ang bahay ng pamilya Mamasig bitbit ang isang jungle bolo at tinaga umano ang ginang na tumama sa kanang bahagi ng ulo.

Kinaladkad palabas ng lalaki ang ginang at muli sanang tatagain subalit nasalag ng biktima ang ulos hanggang sa umawat na ang mga nakasaksi nilang kapitbahay.

Nang magresponde ang mga tauhan ng Malabon police station, nakatakas na ang suspek habang nakuha naman ng mga pulis ang ginamit na jungle bolo ng suspek.

Sa imbestigasyon, may matagal na umanong alitan ang suspek at ang biktima bagama’t hindi naman binanggit ng kanilang pamilya kung ano ang pinagmulan ng alitan.

AUTHOR PROFILE