Ginang pinagbabaril hanggang mamatay sa QC

October 3, 2021 Melnie Ragasa-limena 189 views

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang ginang ng hindi pa nakikilalang lalaki matapos na bumili ng gamot sa botika sa Barangay Baesa sa Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.

Tatlong tama sa ulo at katawan ang tinamo ng biktima na nakilalang si Marisol Sandoval Dizon, 32, single, walang trabaho, at residente ng No. 144 Alley 1, Barangay Baesa, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-12:00 ng madaling araw (October 3), ng mangyari ang pamamaril sa gilid ng The Generics Pharmacy na matatagpuan sa No. 24 F Carlos Street, Barangay Baesa, QC.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Rhic Roldan Pittong ng CIDU, abala umano sina Maricar Dela Cruz at Mary Jean Villaro sa pag-aasikaso sa kanilang mga kostumer sa canteen na nasa tabi ng Pharmacy, nang makarinig sila ng sunud-sunod na tatlong putok ng baril.

Nang kanilang usisain at puntahan ang pinagmulan ng putok ng baril ay tumambad sa harapan nila ang duguang nakabulagtang katawang ng babae.

Habang namataan din ang isang lalaki na armado ng ‘di pa batid na kalibre ng baril, nakasuot ng itim na t-shirt at jersey short pants na tumatakbong papatakas.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaslang sa biktima.