Posas

Ginang nagbayad ng pekeng P1K, buking

August 20, 2023 Edd Reyes 152 views

ARESTADO ang isang 55-anyos na ginang matapos magbayad ng pekeng P1,000 sa isang tindahan sa Makati City noong Sabado.

Kinilala ang suspek na Divina Enor na nahaharap ngayon sa paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o ang Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and other Instruments of Credit sa Makati City Prosecutor’s Office.

Nahuli ang suspek nang suriin ng ng tindera sa isang tindahan sa Sacramento Public Market sa Sacramento St., Brgy. Olympia ang ibinayad ng ginang na P1,000 note.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano, abala sa pagtitinda ang tindera nang bumili ng paninda ang ginang na nagkakahalaga ng P245.

Matapos matuklasang peke ang salapi, dito na humingi ng tulong sa may-ari ng tindahan ang tindera na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakabawi sa walong piraso pa ng pekeng P1,000 na pare-pareho ang serial number sa kanyang handbag.

Dinala ng may-ari ng tindahan sa Makati Police Olympia Sub-Station 1, pati na ang nakuhang ebidensiya na pekeng pera bago ipinasa sa Station Investigation and Detective Management Section ng Makati City Police para sa kaukulang aksiyon.

Magugunita na noon lang nakarang linggo, natimbog ang dating sundalo ng Philippine Army na si Kevin John Soncio sa Taguig City matapos magbayad ng 10 pekeng P1,000 na magkakapareho ang serial number.

AUTHOR PROFILE