Ginang na 74 anyos nagtapos ng elementarya sa Navotas

August 17, 2022 Edd Reyes 290 views

Edd ReyesBUMILIB si Navotas City Congressman Toby Tiangco sa 74-anyos na ginang na kabilang sa mga estudyante ng Alternative Learning System (ALS) na nagtapos ng pag-aaral ng elementarya sa Navotas Elementary School.

Isang magandang halimbawa kasi si Nanay Urbana Señal Navarrete na magpapatunay na hindi hadlang ang edad upang abutin ang hangarin o ambisyon na maipagpatuloy ang pag-aaral lalu na’t may suporta naman para dito ang mga lokal ng pamahalaan, tulad sa Navotas City.

Kung sabagay, hindi lang naman talaga si Nanay Urbana ang nagpatunay na may pagkakataon pa rin ang mga matatanda na magsikap maabot ang ambisyong makapagpatuloy ng pag-aaral dahil marami na ring mga tulad niya na nakatapos hanggang sa kolehiyo kahit halos uugud-ugod na.

Bukod kay Cong. Toby, hangarin din ng nakababata niyang kapatid na si Navotas Mayor John Rey Tiangco na mahimok mag-aral at magbasa ang mga kabataan sa halip na mahumaling sa paglalaro at paggamit ng mobile phone sa pamamagitan ng paglahok niya sa Brigada Pagbasa na ginanap naman sa Kapitbahayan Elementary School

Sabi ni Mayor John Rey, mahalaga na habang bata ay sanayin na ang mga ito ng kanilang mga magulang sa pagbabasa dahil sa paraang ito lalawak ang kanilang imahinasyon at pagiging malikhain pati na rin ang maayos na personalidad at karakter.

Mahalaga talaga para sa mga mag-aaral na makita nila ang sensiridad ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan na tumulong at humikayat sa mga bata para mag-aral at hindi tulad ng iba na halos hindi na mahagilap ng mga mamamayan sa oras na makaupo na sa puwesto.

ILEGALISTA SA PRO-4A LUMIPAT NG MUNTINLUPA

ISA sa inilabas na kautusan ni P/BGen. Jose Melencio Nartatez, ang bagong upong Director ng Police Regional Office (PRO) 4A o ang Calabarzon, ay ang pagpapatigil sa operasyon ng illegal numbers game sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.

Matagal na kasing inirereklamo ng mga residente sa naturang mga lalawigan ang ilegal na operasyon nina alyas Egay at Baby kaya nakakuha sila ngayon ng katapat sa katauhan ng bagong Regional Director.

Kaya lang, ang bibigyan pala nila ngayon ng sakit ng ulo ay si Southern Police District (SPD) Director P/Col. Kirby John Kraft dahil inilipat lang nila ang ilegal na operasyon sa Brgy. Cupang at Brgy. Alabang sa Muntinlupa City.

Tiyak na hindi ito palalagpasin ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa oras na makarating sa kanyang kaalaman kahit pa maglumuhod ang mga operator sa isang alyas “Boknoy” na kanila umanong backer para sila matulungan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

AUTHOR PROFILE