Default Thumbnail

Ginang, kasabwat tiklo sa P2M shabu

May 25, 2023 Jonjon Reyes 520 views

TINATAYANG aabot sa mahigit P2 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang suspek na 42-anyos na ginang at kasamahan nito na sinasabing kasabwat sa kalakaran ng iligal na droga matapos makalawit sa isang operasyon sa Madre Ignacia Street, malapit sa Quirino Avenue, Malate, Maynila, Miyerkules ng gabi.

Nahuli sa ikinasang buy-bust operation ang ginang na suspek, residente ng San Miguel, Maynila at kasabwat umano nitong 32-anyos na lalaki, ng parehong barangay.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol, commander ng Malate Police Station (PS) 9, isinagawa ang operasyon sa naturang lugar, bandang 11:05 ng gabi (Mayo 24).

Nagbunga ang buy-bust dahil sa “tip” ng isang impormante matapos magpositibo ang isinagawang “test buy” mula sa mga suspek at tuluyang naaresto ang mga ito.

Sa pangunguna ni P/Maj. Salvador Iñigo Jr., hepe ng MPD (Manila Police District) Station Drug Enforcement Unit (SDEU), dito na nagkabilihan ng droga mula sa suspek at saka ito dinamba ng mga tauhan nito.

Nabawi mula sa suspek ang apat na bulto ng plastic sachets ng shabu na aabot sa P2,720,000 ang halaga na nakalagay sa green na eco bag, at nakasilid sa itim na backpack.

Ayon kay Tangdol, hindi man “maubos-ubos” ang droga sa kanyang nasasakupan, tinitiyak nito na nababawasan naman ang nagbebenta ng iligal na droga.

Gayunman, hinikayat ni Tangdol ang mga barangay official na makipag-koordina, upang kahit papaano ay masugpo ang ganitong bisyo na sumisira umano sa mga indibidwal lalo na sa mga kabataan.

Ang nasabing operasyon ay pagtalima ni Tangdol sa direktiba ng MPD chief, “The Game Changer General” P/BGen. Andre P. Dizon, na “Oplan Galugad” at SACLEO.

Prinoseso ni PSSgt. John Rupert Agustin ang mga suspek na pawang nahaharap sa paglabag sa Article ll ng Republic Act 9165 sa piskalya.

AUTHOR PROFILE