Posas

GINANG DI NANLIMOS, PINATAY!

September 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 221 views

HINDI akalain ng isang ginang na ang pagtanggi nitong magbigay ng limos sa isang lalaki ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan, makaraang habulin siya nito at tarakan sa batok nitong Lunes sa Dumaguete City.

Nakilala ang biktima na si Gelyn Ortega, 43-anyos at residente ng San Jose, Negros Oriental.

Arestado naman ang suspek na si Michael Catada, 28-anyos, may kakulangan sa pag-iisip, binata at nakatira sa nasabing lungsod.

Ayon kay Lt. Col. Ronoel Fungo, hepe ng Dumaguete City Police, sapol ng closed circuit television ang pananaksak ng suspek sa ginang.

Nauna rito, humingi umano ng limos ang suspek sa ginang subalit walang naibigay ang huli at nagpatuloy lamang sa paglalakad sa Real Street.

Lingid sa kanyang kaalaman ay sinundan siya ng suspek at tinarakan sa kanyang batok.

Naisugod pa ang biktima ng mga rumespondeng pulis sa pagamutan subalit hindi na rin ito umabot ng buhay.

Ilang oras ay nadakip din si Catada at inaming nagugutom siya at hindi siya nalimusan kaya sinaksak niya ang ginang.