Gift giving binuhay ni PBBM

December 5, 2022 Marlon Purification 105 views

Marlon PurificationBINUHAY muli ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dating tradisyon sa Malakanyang na pamimigay ng regalo sa mga bata tuwing Pasko.

Ang buong Kalayaan Grounds sa Malacanan Palace ay napuno ng saya, sigla at kagalakan mula sa mga batang paslit na isa-isang binigyan ng aginaldo ng Pangulong Marcos, kasama si First Lady Liza Araneta Marcos.

Bago magtalumpati, biniro pa ni PBBM ang mga bata na kailangang makinig sa kanyang sasabihin dahil bibigyan sila ng quiz matapos ang speech.

“Mag-i-speech ako. Makinig kayo ha? Kailangan makinig kayo dahil pagkatapos ng speech ko may quiz,” biro pa ng Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na natutuwa siya dahil naibalik ang dating tradisyon sa Palasyo. Masaya siyang makita ang kasiyahan at ngiti sa mga batang dumalo sa Christmas party.

“This is a very very happy day for me dahil tradisyon ito dati pa rito sa Palasyo. Gumagawa kami ng Children’s party ‘pag Pasko para naman lahat nakasisiguro tayo, lahat ng kabataan sa buong Pilipinas ay mayroong Pasko, at merong konting party, may konting gift-giving, may Pangulo,” ani PBBM.

Sinabi ng Pangulo na ipinagpatuloy lamang nito ang tradisyon na sinimulan ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr., noong panahon nito.

Noon aniya’y sumasali rin siya sa mga palaro sa ibang bata, sabi pa ni PBBM.

“Diyan ‘yong noong magician. Wala pang inflatables, mga kainan lang, games. I’m just continuing the tradition that was begun in my father’s time. It was the funnest day, all the kids would come….nakikilaro rin ako noon,” dagdag pa nito.

Ang Christmas gift giving ay hindi lamang isinagawa sa Palasyo ng Malakanyang, kundi ginawa rin ito sa 40 mga lugar sa Pilipinas.

Sa ganang akin, napakagandang proyekto ito para sa ating kabataan.

Tunay na walang makakatanggi sa mga magagandang legasiya ng ama ni PBBM kaya tama lamang na ipagpatuloy ito ng anak na kitang-kita ang dedikasyon sa trabaho at sinserong malasakit sa bayan.

Ang tunay na Diwa ng Pasko, maliban sa pagdiriwang sa Araw ng Kapangakan ni Kristo Hesus ay para sa mga pamilya at higit sa lahat para sa mga bata.

Umaasa tayong ang gift giving na sinimulan ni PBBM ay gawin na rin ng iba’t iba nating local officials sa kani-kanilang nasasakupan.