Default Thumbnail

Gf nakipag-break, pinatay sa saksak ng bf

June 7, 2023 Zaida I. Delos Reyes 288 views

PATAY ang isang 21- anyos na babae matapos na saksakin ng kanyang live-in partner nang tangkain nitong umalis at tuluyan ng makipaghiwalay sa kinakasama sa Mabini, Pangasinan.

Nakilala ang biktima na si Hazel Catiple, residente ng Bgy. De Guzman sa nasabing lalawigan.

Arestado ang suspect na si Lyndon Lapaylapay, 22, at residente rin ng lugar.

Ayon kay PSSG Daryl Buenaflor, imbestigador ng Mabini Police, naganap ang insidente di kalayuan sa bahay ng dalawa.

Una umanong nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa sa loob ng kanilang bahay kung saan nagbanta ang babae na aalis na ito at makikipag-hiwalay na.

Nagpilit umano ang biktima na lumabas ng bahay dahilan upang magdilim ang paningin ng suspect at hinabol ito sa labas.

Nang maabutan ay walang sabi-sabing sinaksak ng suspect ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Sasampahan naman ng kasong murder ang suspect na agad ding naaresto matrapos ang krimen.