Gerald naluha, naka-relate sa pang-aabuso kay Sandro
Matapos ang pagsasampa ng reklamo ni Sandro Muhlach laban sa dalawang “independent contractors” ng GMA network, lumantad na rin ang singer na si Gerald Santos at ibinunyag ang nangyaring pang-aabuso sa kanya noon.
Sa kanyang Facebook account ay ni-repost ni Gerald ang artikulo na nagsasaad ng official statement ng GMA Network tungkol sa paghahain ng reklamo ni Sandro kina Jojo Nones at Richard Cruz, na balitang suspendido sa gitna ng imbestigasyon.
Sa caption ay sinabi ng singer na hindi niya maiwasang mapaluha sa sinapit ni Sandro kasabay ng panunumbalik ng sakit ng nakaraan sa kanya.
“Ang dami nagmemessage, nagta-tag sa akin about this issue. Nagbalik ang sakit sa akin at hindi ko maiwasan maluha to imagine ang sinapit nya,” simula ng singer.
“My heart goes (out) to Sandro and the whole Muhlach Family…,” patuloy pa niya.
Kasunod nito ay ibinunyag ni Gerald na dati siyang nasa sitwasyon ni Sandro pero wala siyang boses that time at wala ring social media.
“I was once in this situation but back then wala kang boses, walang social media. Unlike ngayon na nagkaroon na ng #MeToo movement,” pahayag niya.
Sa kabila ng kanyang sinapit ay maipagmamalaki naman daw niya na naging matatag siya na kayanin ang matinding pressure at ang desisyon na palampasin na lang ang nangyari.
Umaasa raw siya na makuha ni Sandro ang hustisya na hindi niya nakamit noon.
“But i will hold my head up high for standing up amidst tremendous pressure to just let go of what happened. I hope he gets the justice i was once denied of,” saad ni Gerald.
Ikinagulat at ikinalungkot ng netizens ang rebelasyong ito ni Gerald pero marami naman ang pumuri sa pagiging matatag niya na malampasan ang masakit na nangyari sa kanya.
Si Gerald ay naging grand champion ng second season ng reality singing contest ng GMA-7 na “Pinoy Pop Superstar” noong 2006.
Matapos manalo ay naging Kapuso talent siya at naging parte ng “SOP Rules” at “Party Pilipinas.” Lumabas din siya sa GMA teleserye na “I Luv New York.”
Lumipat siya sa TV5 noong 2010.
Ang pinakamalaking break ni Gerald ay nang maging parte siya ng “Miss Saigon” kung saan ginampanan niya ang role ni Thuy noong 2016.
ABOGADO NINA NONES AT CRUZ NANAWAGAN NG RESPETO
Sa pamamagitan ng kanilang legal counsel ay naglabas na rin ng opisyal na pahayag sina Jojo Nones at Richard Cruz, ang dalawang “independent contractors” ng GMA Network na inirereklamo ng Sparkle artist na si Sandro Muhlach.
Base sa ulat ng 24 Oras, sinabi ng abogado nina Nones at Cruz na si Atty. Maggie Abraham-Garduque na ikinalulungkot ng dalawa ang mabigat na akusasyong kumakalat sa social media.
Ang mabigat na akusasyong ito ay ang diumano’y pang-aabuso nina Nones at Cruz kay Sandro sa isang hotel matapos ang GMA Gala 2024 noong July 20.
“And though these allegations do not mirror the true accounts of the event, we would like to reserve the right to respond in a proper forum when we receive a copy of the formal complaint,” pahayag ni Atty. Garduque.
Inabisuhan din ng abogado ang publiko na irespeto ang isinasagawang imbestigasyon at iwasang mag-post ng mga komentong walang basehan.
“For the meantime, we urge the public to respect the investigation being conducted on this case and we advise people who have no personal knowledge of the incident to refrain from posting baseless defamatory allegations and therefore unfairly subjecting both parties to publicity trial,” saad ni Atty Maggie.
Naglabas din ng maikling pahayag ang ama ni Sandro na si Nino Muhlach. Aniya, magsasalita siya pagkatapos nilang i-file ang criminal case.
“Tinatapos lang po naming i-file criminal case then I’ll talk,” ang pahahag ng dating child wonder.
Base sa inilabas na official statement ng GMA last Thursday, natanggap na ng network ang pormal na reklamo ni Sandro laban kina Nones at Cruz.
Nakasaad din na humingi si Sandro ng “confidentiality,” kaya hindi maglalabas ang network ng anumang detalye hangga’t hindi natatapos ang kanilang imbestigasyon.
Tiniyak ng Kapuso channel na magiging patas ang kanilang isasagawang imbestigasyon.