Gen. Guillor Eleazar, abusadong pulis walang puwang sa PNP!
WALANG kukunsintihing pagkakamali ng sinumang pulis si PNP chief General Guillermo Eleazar.
Ito ang patuloy na pinatutunayan ng hepe ng Pambansang Pulisya nang muling tiyakin na hindi babalewalain ang ‘operational lapses’ ng kanyang mga tauhan sa anti-criminality operations.
Kasunod na rin ito ng panibagong kontrobersiyang kinakaharap ng PNP dahil sa pagkamatay ng 16-anyos na si Johndy Maglinte sa Laguna noong isang linggo.
Si Maglinte at ang drug suspect Antonio Dalit, na pakay ng arrest warrant, ay napaslang sa gitna umano ng pakikipaglaban sa mga umaarestong awtoridad.
Sa ngayon, patuloy ang pagbusisi sa insidente kasunod na rin ng pahayag ng pamilya ni Maglinte na sinadya ng mga pulis ang pagpatay sa kanilang mahal sa buhay.
Independent investigations na rin ang isinasagawa ng Internal Affairs Service, fact-finding task group ng Police Regional Office 4-A, at ng Commission on Human Rights kaugnay sa insidente.
Iginiit ni Guillor na sa tuwing may mga ulat ng iregularidad sa mga police operation, kailangan itong dumaan sa masusing pagbusisi upang matukoy ang operational lapses at maitama.
“Hindi po natin binabalewala ang mga alegasyon ng lapses sa operasyon ng ating mga pulis. Kaya nga po natin ito iniimbestigahan ay para agad maitama, sakaling may lapses na makita, para hindi na maulit pa,” diin ni Guillor.
“We constantly review our protocols to check if these still fit the kind of setting we have today or if there are adjustments or changes that need to be made,” dagdag ng heneral
Naniniwala si Guillor na magkakaproblema rin ang PNP sa mata ng publiko kung babalewalain lang ang mga operational lapses.
Sa datos ng PNP, kabuuang 18,664 ang napatawan ng parusa dahil sa iba’t ibang pag-abuso simula noong 2016 kung saan 5,151 sa kanila ang dinismis sa serbisyo.
“Kaya nga po makaaasa ang publiko na hindi kinukunsinti o kukunsintihin ng PNP ang mga pagkakamali dahil hindi dapat pinapandigan ang mali at sa halip ay kailangang itama upang hindi na pamarisan pa,” giit ni Eleazar.
“This is actually embodied on the Intensified Cleanliness Policy which I launched when I assumed the top PNP post. Maliit pa lang ang problema ay agad na solusyunan na upang hindi na lumala pa,” dagdag pa nito.
Ang pahayag na ito ni Guillor ay napapanahon din dahil mainit na pinag-uusapan din ang pagsampa ng kasong paglabag sa karapatang pantao kay Pangulong Rordigo Duterte sa International Criminal Court.
Karamihan sa mga bintang sa administrasyon ay ang pang-aabuso umano ng ilang pulis sa kanilang operasyon kaya pinapatay ang mga pinaghihinalaang drug pusher.
Sa ganang akin, magandang pagkakataon din ito kay Guillor para patunayan na kailanman ay hindi mangyayari ang pang-aabuso ng mga alagad ng batas hangga’t siya ang namumuno sa PNP.