Gen. De Leon sa kanyang mga pulis: Mag-ingat sa COVID-19

August 22, 2021 People's Tonight 233 views

PINAG-IINGAT ni PNP Region 3 Chief, Brig.Gen Valeriano De Leon ang kanyang mga tauhan laban sa COVID-19 matapos na magpositibo ang 11 pulis sa Central Luzon noong nakaraang Linggo.

Agad na ipinag-utos ni Gen.De Leon na mag-quarantine at mag-isolate muna ang mga nagpositive na pulis sa COVID upang hindi makahawa ng iba.

“Nagbigay na rin tayo ng instruction na kapag may naramdaman sila na parang tinatrangkaso ay agad magpa-swab testing dahil ito ang sintomas ng Delta variant,” anang heneral.

Natuwa naman si Gen. De Leon dahil ang anim sa kanyang mga pulis sa PRO-3 ay gumaling sa COVID-19 last week matapos ang puspusang gamutan.

Base sa rekord ng PRO-3, may kabuuang 2,048 na pulis sa Central Luzon ang tinamaan ng virus na COVID-19 mula noong nakalipas na taon.

Sa nasabing bilang ay 1,942 sa kanila ang gumaling na virus.

Ipinag-utos din ni De Leon sa mga commanders na i-monitor din ang kalusugan at economic status ng pamilya ng mga pulis na naka-isolate ngayon.

“Kasama na ngayon itong virus sa tinatawag na hazard of the trade naming mga pulis” sabi pa ni Gen.De Leon.

AUTHOR PROFILE