GCash pinag-iingat ang publiko kontra SMS na may suspicious links
MULING naglabas ang leading finance application ng bansa na GCash ng pampublikong paalala upang mapaigting ang pagbababala sa mga tao kontra spoofing scam at phishing links.
Ang spoofing scam ay isang uri ng panloloko kung saan ginagamit ng mga scammer ang SMS upang magpanggap bilang legal at lehitimong institusyon tulad ng mga e-wallet, bangko, at service providers.
Nagpapadala ang mga ito ng mga mensaheng may kahina-hinalang phishing links at madalas ay nagpapanggap bilang empleyado o taga-”GCash” umano sila upang manlinlang ng mga user.
Kapag pinindot ang naturang link ay makukuha ng mga ito ang sensitibo at personal na mga impormasyon ng user na kinakailangan sa “account takeover” at “unauthorized access.”
Karamihan sa mga mensaheng ito ay naglalaman ng mga links at nagsasabing kailangang i-update o i-renew ang iba’t ibang feature ng GCash account tulad ng mismong application, GInsure policy, at iba pa.
Una nang sinabi ng GCash na hindi sila kailanman magpapadala ng SMS o text messages na naglalaman ng mga link na humihingi ng personal na impormasyon tulad ng kanilang personal na detalye, password, MPIN, o OTP.
Idiniin ng kompanya na huwag pindutin ang mga link na ito dahil mula ito sa mga scammer na gumagamit ng illegal cell site upang manloko o manlinlang ng mga tao.
Ayon sa GCash, hangarin nila na mapanatiling ligtas ang digital financial ecosystem ng bansa at maisulong ang financial empowerment ng bawat user. Kaya naman nagbigay sila ng ilang paalala upang maiwasan ang maging biktima sa naturang scam.
Kinakailangan umanong alamin ng users kung ano ang spoofing scam, ang pinanggalingan ng tawag o SMS, at mga red flags sa isang text messages o links tulad ng “sense of urgency.”
Samantala, patuloy naman ang mga payo ng GCash sa publiko na sa tanging secure connection lamang sila kumonekta at i-report sa GCash help center ang mga kahina-hinalang mensahe o tawag na nanghihingi ng kanilang mga pribadong impormasyon.