GCash mas pinalawak ang scan-to-pay feature sa mas maraming bansa
PINALAWAK pa ng nangungunang finance application ng bansa na GCash ang scan-to-pay services, iba pang cross-border mobile payment, at digitalization solutions nito sa mas marami pang bansa.
Sa pamamagitan ng mas pinalawak na partnership na ito, ang mga GCash user ay maaari nang magsagawa ng cashless transactions gamit ang Alipay+, ang cross-border mobile payment at digitalization solution na ino-operate ng Ant International.
Sa kasalukuyan, ang scan-to-pay feature ng GCash ay maaari nang magamit sa China, Hong Kong, Macau, Thailand, at sa United Arab Emirates (UAE) dahilan upang maging 45 ang total markets nito sa buong mundo.
Ayon sa GCash, nais nilang masiguro na magagamit ng bawat Pilipino ang kanilang GCash account saan man sa mundo.
“We are glad to strengthen our long-standing partnership with Alipay+ and expand GCash’s capabilities and services to more destinations in Asia and all over the globe,” dagdag pa ng kompanya.
Ayon pa sa GCash, ang scan-to-pay feature ay walang service fee at may mababang foreign exchange rates.
Matatandaang una nang inanunsiyo ng kompanya na magiging available ang GCash application sa 16 pang mga bansa sa buong mundo kasunod ng pag-apruba ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagpapalawak ng GCash Overseas.
Ang GCash Overseas ay binibigyang oportunidad ang mga Pilipino sa abroad na magamit ang lokal na financial services ng GCash gamit ang kanilang international sim card.
Inaasahang magiging available ang GCash sa iba pang mga bansa partikular na sa United States, United Kingdom, Spain, Saudi Arabia, Singapore, Kuwait, Italy, Germany, Qatar, South Korea, Taiwan, Hong Kong, Australia, at United Arab Emirates (UAE).