Default Thumbnail

Gawin pa ring prayoridad ang paglaban sa droga

May 26, 2022 Paul M. Gutierrez 540 views

PaulIBINAHAGI ni President-Elect Ferdinand Marcos Jr. na bago pa man ang May 9 presidential elections ay nagkaroon na sila ng pag-uusap ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa ilegal na droga.

Alam naman natin na isa sa mga naging tagumpay ng administrasyong Duterte ay ang paglaban nito sa ilegal na droga.

Nakita natin sa unang mga taon ni Pangulong Duterte ang pagkaseryoso nito na sugpuin ang droga sa bansa. Alam niya na hindi ito magiging madali pero sa kabila nito masasabi nating talaga namang napilayan ng husto ang mga sindikato na nasa likod nito.

Isipin na lang natin ang mga buhay lalo na ng mga kabataan na nailigtas sa ilegal na droga dahil sa napigilan ang buhos ng suplay nito. Kung hindi nabawasan ang pagbuhos ng droga sa bansa, malamang maraming mamamayan at kabataan ang patuloy na nalululong at nasisira ang buhay dahil dito.

Kaya naman naging pambansang kampanya ito na naramdaman ng buong bansa at ikinagulantang ng maraming mamamayan. Kaya naman nakita natin kung paano nagsisuko ang mga pusher at user sa kani-kanilang mga barangay dahil sa takot na masampolan ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Nakita natin kung paano buong tapang na binanggit ni Pangulong Duterte ang mga personalidad na nasa posisyon na nakikinabang sa ilegal na drogang ito. Dahil dito mas higit na naniwala ang mga mamamayan sa Pangulo na, oo nga, seryoso ang pangulo sa paglaban sa droga.

Nagresulta ito sa pagkatahimik ng maraming mga lugar sa bansa. Masasabi na ng marami na mabuti na lang dahil naging tahimik at nawala ang mga adik sa kanilang lugar na pinagmumulan ng perwisyo sa kanilang buhay.

Bagamat naging madugo ang war on drugs, hindi maitatanggi ang katapangan ng Pangulong Duterte na nakita natin kung gaano kalawak ang problemang ito sa ating bansa.

Sa sobrang lawak at lalim ng problemang ito hindi kinaya sa loob ng anim na taon ni Pangulong Duterte.

Kaya naman inaasahan natin na maipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang paglaban sa ilegal na droga. Nagpapatuloy pa rin ito at magiging paulit-ulit dahil alam natin na hindi ito simpleng problema. Kaya kailangan ang tapang na kagaya nang ipinakita ni Pangulong Durterte laban dito.

Pagkatapos ng termino ni Pangulong Duterte, isa sa hindi makakalimutan niyang ginawa o bahagi ng kaniyang legacy na iiwan ang kaniyang katapangan na labanan ang ilegal na droga sa bansa.

Maaari hindi natin inakala na magagawa nga ito ng isang pangulo dahil sa lawak at lalim ng problema ng droga sa bansa, pero hindi natin maitatanggi ang sinimulan ni Pangulong Duterte dito.

Kung hindi ito maipagpapatuloy o hindi magiging prayoridad ng susunod na administrasyon, malamang muling makabuwelo ang mga sindikato at muling manumbalik ang buhos ng droga sa bansa.

Pero tiwala tayo sa susunod na administrasyon na ipagpapatuloy ito. Maaaring sa ibang bihis o paraan pero sa parehong layunin na tuluyang mapahina, kundi man, tuluyang masugpo ang problema ng droga sa bansa.

Ang seryosong paglaban sa droga ang naging daan kaya napalapit ang mamamayan kay PDU30.

Kung bibitiwan ito ng susunod na pangulo maaaring mahiwalay ito sa mamamayan. Dahil ang paglaban sa droga ay nagiging sukatan kung gaano katapang ang pangulo ng bansa.

AUTHOR PROFILE