
Gatchalian: Tamang hakbang ang layover ban
PINURI kamakailan ni Senador Sherwin Gatchalian ang desisyon ng Bureau of Immigration (BI) na ipagbawal ang layover flights sa deportasyon ng mga dating POGO workers, na ngayon ay kinakailangang idiretso ang biyahe pauwi sa kanilang bansa.
“I commend the Bureau of Immigration (BI) for its decision to strengthen deportation protocols by banning layover flights for former POGO workers. This policy shift, which I earlier suggested, is a crucial step in ensuring that deportees are returned directly to their home countries without opportunities to evade justice,” ani Gatchalian.
Ayon sa senador, ang mga dayuhang ipinatatapon ay maaaring nasangkot sa ilegal na gawain at lumabag sa kanilang immigration status. Kung hindi sila agad maide-deport, maaaring patuloy silang makagawa ng krimen sa bansa.
“The fact that these POGO workers are subject to deportation means they may have been involved in illegal activities and have violated their immigration status. If not deported promptly, these individuals could continue engaging in unlawful acts,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na hindi dapat hayaan ng gobyerno na manatili o makabalik ang mga dayuhang hindi sumusunod sa batas.
“Hindi natin dapat payagan na manatili o makabalik sa bansa ang mga dayuhang walang kusa sa pagsunod sa ating mga batas. Tiyakin natin na ang Pilipinas ay hindi kanlungan ng mga kriminal,” aniya.
Lubos akong sumasang-ayon kay Senador Gatchalian. Ang pagbabawal sa layover flights ay isang tamang hakbang upang matiyak na ang mga lumalabag sa batas ay hindi makakahanap ng paraan upang takasan ang hustisya.
Marami nang insidente kung saan nakakalusot ang mga deportado dahil sa butas sa sistema, at ang desisyong ito ay isang malinaw na pag-aayos sa isang matagal nang problema.
Makikita rin natin dito na si BI Commissioner Joel Viado ay isang masipag at epektibong pinuno. Sa halip na ipagpilitan ang luma at kahina-hinalang proseso, nakinig siya sa mungkahi ng mga senador, pinag-aralan ito, at agad na nagpatupad ng reporma.
Hindi siya nagmatigas o nagkunwaring alam na niya ang lahat. Sa halip, pinag-aralan ang mga suhestiyon ng mga mambabatas at ipinatupad ito. Tama naman!
Nagpasalamat pa nga si Viado kina Gatchalian at sa iba pang mga mambabatas na nagtulak sa pagpapatibay ng mas mahigpit na deportation procedures.
Hindi madaling aminin na may pagkukulang sa isang sistema, ngunit sa pagkakataong ito, ipinakita ni Viado na siya ay bukas sa suhestiyon at mabilis umaksyon. Hindi siya takot sa pagbabago at mas pinili niyang kumilos kaysa magpalusot.
Sa ganitong uri ng pamamahala, masisiguro natin na hindi na makakahanap ng ligtas na kanlungan sa Pilipinas ang mga lumalabag sa batas.