Gatchalian1

Gatchalian sa NBI: Imbestigasyon sa pekeng birth certificate ituloy

August 10, 2024 PS Jun M. Sarmiento 94 views

HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang National Bureau of Investigation (NBI) na ituloy ang imbestigasyon sa pag-iisyu ng pekeng birth certificates upang matiyak na ang mga sangkot sa naturang ilegal na gawain ay mananagot sa batas.

Partikular na tinukoy ng senador ang 1,051 late registrants mula 2016 hanggang 2023 na natagpuan sa Sta. Cruz sa Davao del Sur. Batay sa Ad-Hoc Fact-Finding Committee ng Office of the Mayor, sa 1,501 certificates of live births (COLB) na nasuri, 54 ang napag-alamang na-isyu sa mga umano’y dayuhan na walang mga magulang na Pilipino.

“Hinihikayat ko ang NBI na tukuyin at i-validate ang 1,501 late registrants. Ang pangamba ko ay mas marami pang kaso na katulad nito at maaari nilang abusuhin ang sistema maliban na lang kung maparusahan,” diin niya.

“Ang birth certificate ay batayan ng pagiging isang Pilipino at ang mga dayuhan na nakakakuha ng birth certificates na nagsasabing sila ay pinoy, ay nakakakuha rin ng Philippine passport, nakakakuha ng national ID, at nakakabili ng mga lupa,” sabi ni Gatchalian, sabay banggit ang kaso ni Guo Hua Ping, na kilala rin bilang Alice Guo, na nahalal bilang alkalde ng Bamban, Tarlac dahil sa pekeng birth certificate.

“Umaasa tayo na sa pamamagitan ng mga solusyon laban sa pekeng birth certificates at pagiging mapanuri sa proseso ng late registration ay maiiwasan natin ang marami pang Alice Guo na nananamantala ng proseso sa gobyerno,” sabi ni Gatchalian. Aniya, nabuo ang konsepto ng late registration para sa mga katutubo at mga naninirahan sa malalayong lugar.

Una nang na-validate ng NBI ang 102 sa 1,501 indibidwal na nakakuha ng pekeng birth certificates mula sa Sta. Cruz, Davao del Sur. Ayon sa imbestigasyon ng NBI, wala sa 102 indibidwal ang aktwal na naninirahan sa naturang lugar. Sabi naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), wala sa kanila ang nabigyan ng pasaporte. Dagdag pa ng NBI, nakatakda itong magsampa ng kaso para sa kanselasyon ng mga nasabing fake na birth certificates sa susunod na dalawang linggo.