Default Thumbnail

Gatchalian: Permanent validity ng mga birth, death, at marriage certificates ganap nang batas

August 4, 2022 Marlon Purification 278 views

Marlon PurificationIKINAGALAK ni Senador Win Gatchalian ang bagong batas na nagtatalaga sa permanent validity ng mga certificates ng live birth, death, at marriage.

Mismong si Gatchalian ang may-akda ng Republic Act No. 11909 o Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act.

Saklaw nito ang mga birth, death at marriage certificates na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA), dating National Statistics Office (NSO), at ng local civil registries.

Kabilang din sa pinagtibay na batas ang rehistro at pag-isyu naman ng Philippine Foreign Service Posts at na-transmit sa PSA.

“Dapat padaliin natin para sa ating mga kababayan ang pagkuha ng mga importanteng dokumento. Kaya naman isinulong nating magkaroon ng permanent validity ang ating mga birth, death, at marriage certificates upang hindi na mahirapan ang publiko sa pagkuha ng mga dokumentong ito,” ani Gatchalian.

Anuman ang petsa ng kanilang issuance, ang mga certificate na ito ay kikilalanin sa lahat ng mga transaksyon sa gobyerno o sa pribadong sektor na nangangailangan ng katibayan ng pagkakakilanlan.

Ngunit dapat nababasa pa rin at nananatiling maayos ang dokumento. Dapat ding nananatiling maayos ang authenticity at security features ng mga ito.

Nananatili ang permanent validity sa mga marriage certificates hanggang hindi ito napapawalang-bisa, ayon sa Family Code of the Philippines o anumang kasunod na batas na may kinalaman sa kasal.

Ang kagandahan dito, bawal nang humingi ng bagong kopya ng certificates ang anumang uri ng tanggapan, kabilang ang mga okal na pamahalaan, government-owned and – controlled corporations, mga pribadong kompanya, mga paaralan, at iba pang mga non-government entities na humingi ng bagong kopya ng mga bagong certificates kung meron namang valid na certificate na maaari nang ibigay.

Paliwanag ni Gatchalian, hindi na maaabala at madadagdagan ang gastusin ng publiko upang makakuha ng bagong kopya ng mga dokumentong ito.

Upang matiyak ang authenticity ng mga certificate na ito at mga ulat sa kapanganakan, pagkamatay, at kasal, minamandato ng batas sa PSA na makipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na gumawa ng civil registry database at gumawa ng virtual viewing facility sa mga local civil registries at sa Philippine Foreign Service Posts.

Sa ganang akin, napakagandang batas ito at tunay na makapagbibigay ng malaking kaginhawaan sa mga kababayan nating nangangailangan ng mga ‘government issues certificates.’

Aminin o hindi ng kinauukulan, noon pa ay malaking abala na ang paulit-ulit o taun-taong pagkuha ng mga death, birth o marriage certificates. Bukod dito, malaking gastos ito hindi lamang sa pagbayad sa ‘processing fee,’ kundi pati na rin ang pamasahe at pagsasayang ng oras makapunta lamang sa tanggapan ng PSA.

Naniniwala ako na dahil sa panibagong batas na ito ni Senator Gatchalian ay tiyak mawawala na rin ang ‘red tape,’ na kalamitang nabibiktima ay mga taong ‘nagmamadali’ at ayaw nang maaabala makuha lamang ang mga hinahangad nilang sertipiko.