Gatchalian

Gatchalian: Panukang nagpapatigil sa paggamit ng mother tongue sa mga paaralan para sa interes ng mga mag-aaral

August 3, 2024 PS Jun M. Sarmiento 143 views

NANINDIGAN si Senador Sherwin Win Gatchalian na para sa kapakanan ng mga mag-aaral at mga guro ang pagpapatigil sa paggamit ng mother tongue bilang wika ng pagtuturo sa Kindergarten hanggang Grade 3. Dahil sa mga nakitang kakulangan sa pagpapatupad ng mother tongue-based multilingual education (MTB-MLE) sa nakaraang sampung taon, binigyang diin ni Gatchalian na kinakailangan na ang pagpapalit ng polisiya.

“Mahigit sampung taon na nating ipinapatupad ang mother tongue policy, pero malinaw sa ebidensya na hindi ito naging epektibo sa ating mga paaralan. Imbes na pilitin nating ipagpatuloy ang isang bigong polisiya, mas mahalagang bigyan natin ang ating mga guro ng kalayaan na gumamit ng wikang akma sa pangangailangan ng kanilang mga mag-aaral,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Sabi ni Gatchalian, nakapagsagawa na ang komite ng apat na pagdinig hinggil sa pagpapatupad ng MTB-MLE, kung saan binigyan ang mga stakeholders ng pagkakataon na ipakitang akma ang polisiya sa tinatawag na multilingual setting tulad ng Pilipinas kung saan marami ang ginagamit na wika. Maliban sa maraming konsultasyon sa mga stakeholders, nagsagawa rin si Gatchalian ng apat na focus groups, isa sa National Capital Region (NCR), Luzon, Visayas, at Mindanao, kung saan nakilahok ang mga guro, mga school heads, regional directors, at mga magulang.

Binigyang diin ni Gatchalian na hindi suportado ng teorya ang paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction sa isang lugar kung saan marami ang wikang ginagamit. Lahat ng mga pag-aaral na ipinakita sa apat na pagdinig ay isinagawa sa monolingual settings o mga lugar kung saan isa lamang ang ginagamit na wika. Isinusulong naman sa mga qualitative na pag-aaral na sinuri ng komite ang paggamit ng mother tongue sa mga lugar kung saang isa lamang ang wika kagaya ng mga probinsiya o rural communities at mga komunidad ng ethnolinguistic minorities. Batay naman sa mga empirical na pag-aaral na ginawang batayan ng Department of Education (DepEd) para sa pagpapatupad ng MTB-MLE, o ang Lingua Franca (1999-2002) at Lubuagan (1999-2011) studies, lumalabas na akma ang mother tongue sa mga lugar na gumagamit ng isang wika lamang.

Dagdag ni Gatchalian, bagama’t 19 na wika ang saklaw ng MTB-MLE, umaabot naman sa 130 na wika ang naitala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Dahil dito, napipilitan ang ibang mga paaralan na gumamit ng regional languages na hindi pamilyar sa mga mag-aaral, bagay na hindi tugma sa prinsipyong dapat turuan ang mga mag-aaral sa antas na akma sa kanila.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2457, na pasado na sa huli at ikatlong pagbasa, ibabalik sa wikang Filipino ang pagtuturo. Gagamitin din ang Ingles kung imamandato ng batas, batay sa Article XIV, Section 7 ng 1987 Constitution. Nakasaad din sa panukalang batas na gagamitin ang regional languages bilang auxiliary media of instruction o katuwang na wika sa pagtuturo. Maaari namang ipatupad ng mga paaralan ang mother tongue sa mga monolingual classes sa Key Stage 1. Dito, ayon sa mambabatas, ay magkakaroon ang mga paaralan ng kalayaang gumamit ng wika batay sa pangangailan ng mga mag-aaral imbes na ipilit ang pagkakaroon ng ‘one size fits all’ na solusyon.