Gatchalian nanawagan sa BARMM: Study well
“DALHIN at panatilihin ang mga bata sa mga paaralan.”
Kasunod ng pagbubukas ng mga pampublikong paaralan, ito ang panawagan ni Sen. Sherwin Gatchalian sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang matugunan ang mga hamong kinakaharap ng rehiyon pagdating sa enrollment.
Sa isang pagdinig ng Senado tungkol sa kahandaan ng mga pampublikong paaralan sa pasukan, binigyang diin ni Gatchalian ang participation rates sa BARMM na mas mababa sa participation rate average sa buong bansa.
Noong School Year (SY) 2020-2021, umabot sa 53% ang participation rate ng rehiyon sa kindergarten, mas mababa sa 66% na naitalang average sa buong bansa.
Sa elementary, 69% ang participation rate sa rehiyon, samantalang 89% naman ang naitala sa buong bansa.
Patuloy naman ang pagbaba ng participation rate sa junior high school na umabot sa 37% at 13% naman sa senior high school.
Sa buong bansa, umabot sa 81% ang participation rate sa junior high school at 49% naman sa senior high school noong SY 2020-2021.
Pinuna rin ni Gatchalian ang mababang average cohort survival rate sa BARMM.
Lumalabas kasi na sa kada 100 mag-aaral sa rehiyon na papasok sa Grade 1, 17 lamang ang nagtatapos ng Grade 12.
Sa bawat 100 mag-aaral sa buong bansa na papasok ng Grade 1, 51 naman ang nakakatapos ng senior high school.
“Naniniwala ako na ang pangunahing layunin natin sa BARMM ay isulong ang pagpasok sa paaralan at pangalawang layunin natin ang panatilihin silang nag-aaral.
Sa pakikipag-usap ko sa mga gobernador ng BARMM, lumalabas na maraming kabataan sa rehiyon ang tumitigil sa pag-aaral upang tumulong sa bukid ng kanilang mga pamilya.
Napipilitan silang magtrabaho sa murang edad dahil sa kahirapan. Pagdating ng panahon, makakapinsala ito sa kanilang kapakanan,” ani Gatchalian, ang chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Isinulong din ni Gatchalian ang pinaigting na back-to-school program para tumaas ang enrollment sa rehiyon.
Isinusulong din niya ang maigting na pagpapatupad ng Alternative Learning System (ALS) sa rehiyon para mahasa ang kakayahan ng working population, kabilang na ang mga out-of-school na kabataan.