Gatchalian

Gatchalian binigyan ng benefit of doubt si Guo

June 19, 2024 PS Jun M. Sarmiento 181 views

KUMBINSIDO AKO na si Mayor Alice Guo at si Guo Hua Ping ay iisang tao lamang!”

Ito ang kumpiyansa pahayag na sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian sa Kapihan sa Senado kung saan ay inilahad niya na malinaw na malinaw ang mga ebidensiya na magdiriin kay Mayor Guo sa kaniyang mga kasinungalingan sa Senado at sa mamamayan.

Ikinuwento ni Gatchalian na mismong ang Board of Investments ang kumalap ng lahat ng dokumento ukol kay Mayor Guo at sa pamilya nito, kung saan ay nagtugma na si Lin Wenyi na kanyang pinaghihinalaan na biological na ina ay may anak na ang pangalan ay si Guo Hua Ping na dinala sa Pilipinas nuong 2003 sa edad nga na 13 anyos.

Inilahad din ng senador na pati ang address sa Valenzuela na unang binigay ni Mayor Guo ay nagtugma rin sa dokumento na nakalap nila bilang bahay na ginamit ni Lin Wenyi na kanyang address sa embroidery na negosyo nito.

Napag alaman din na dalawang passport umano ang ginagamit ni Mayor Alice Guo sa kanyang mga paglalakbay palabas ng bansa mula 2008 hangang 2011. Isang Pilipino passport at isang diumano ay Chinese passport nito na ang nakasaad na pangalan ay Guo Hua Ping.

” Dapat mabusisi natin ito dahil baka marami pang kagaya ng kaso ni Mayor Guo ang nangyayari at sinasamantala ng mga dayuhan na ito maging Chinese, Nigerian man, Vietnamese etc. Dapat mahinto na ito.” giit ni Gatchalian.

Hinamon din niya si Mayor Guo at si Lin Wenyi na mag pa DNA test kung talagang seryoso ang mayora na patunayan na hindi siya nagsisinungaling tulad ng sinasabi ng mga dokumento na kanilang nadiskubre.

“Bibigyan natin siya ng benefit of the doubt. Mag undergo siya ng DNA test pati na rin yung posibleng biological mother niya na si Lin Wenyi. Ito lamang sa ngayon ang nakikita kong paraan para makumbinsi niya tayo na hindi kasinungalingan ang lahat ng kanyang mga testimonya at mga dokumento niya,” paghahamon ni Gatchalian.