Default Thumbnail

Gasolinahan tinangayan ng P19K sa Kyusi

February 3, 2023 Melnie Ragasa-limena 268 views

NAGPAKARGA muna ng gasolina ang tatlong hindi pa nakikilalang suspek na lalaki bago hinoldap ang isang gasolinahan sa Quezon City, Biyernes ng madaling araw.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 4 Police Station (PS) 8, bandang 3:40 ng madaling araw (Pebrero 3), nang holdapin ang Unioil Gasoline Station na matatagpuan sa No. 603 Katipunan Ave., Brgy. Milagrosa, Project 4, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Moises Riel, abala umano sa loob ng booth ang babaeng kahera nang dumating ang mga suspek sakay ng puting Toyota Tamaraw FX at nagpa-gasolina.

Habang nagkakarga ng gasolina, isa sa mga suspek ang nagdeklara ng holdap, tinutukan ng baril ang kahera at saka kinuha ang halagang P19,833.00 kita ng gasolinahan.

Hindi pa umano nakuntento ang mga suspek ay tinangay pa ng mga ito ang cellphone Samsung Galaxy ng kahera bago tumakas patungong Katipunan Ave., southbound direction.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad para matukoy ang mga suspek.