Garma kulong sa Kamara
IPINAG-UTOS ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ang pagkulong kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma hanggang sa matapos ang isinasagawa nitong pagdinig o hanggang sa makipagtulungan ito sa komite.
Ito ay matapos na aprubahan ng komite na i-cite in contempt si Garma dahil sa kanyang mga hindi malinaw na mga sagot sa mga tanong ng mga kongresista sa isinagawang pagdinig nitong Huwebes.
Si Garma ay iniugnay ng apat na testigo na humarap sa pagdinig sa pagpatay sa tatlong nakakulong na Chinese drug lord sa loob ngDavao Prison and Penal Farm (DPPF) noong 2016.
Sa mosyon ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, chair ng House Committee on Public Accounts, ipina-contempt ng komite si Garma dahil sa paglabag sa Section 11(c) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Sinundan ito ng mosyon ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na ikulong si Garma sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City matapos sabihin ni Laguna Rep. Dan Fernandez, co-chairman ng Quad Comm, na puno na ang detention facility ng Kamara de Representantes.
Nagmosyon naman si 1Rider Partylist Rep. Bonifacio Bosita na ipadala na lang si Garma sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Quezon City.
Matapos ang ilang minutong talakayan, sinabi ni Fernandez na mayroon ng mapupuwestuhan si Garma sa detention center ng Kamara kaya binago ni Gutierrez ang mosyon nito.
Nilinaw naman ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, chair ng Committee on Dangerous Drugs at overall head ng Quad Committee, na maaaring mapaaga ang paglabas ni Garma kung makipagtulungan ito sa ginagawang pagsisiyasat.
“If she changes her mind and she suddenly cooperates, then the committee will be more than willing to accommodate her motion for reconsideration,” sabi ni Barbers
Sa kanyang interpelasyon, nadismaya si Paduano sa mga tugon ni Garma sa tanong tungkol sa kanyang relasyon kay dating Pangulong Duterte at ang kanyang mabilis na pagkakatalaga sa PCSO matapos magretiro sa pulisya noong 2019.
Tinukoy ni Paduano na sa kabila nang may iba pang kwalipikadong aplikante, mabilis nakuha ni Garma ang naturang pwesto.
Paulit-ulit na inusisa si Garma sa kaniyang pagiging malapit kay Duterte, na noong una ay tumangging sumagot hanggang sa kinastigo ni Paduano na magbigay ng direkta at malinaw na sagot.
“I will ask you, are you special and close to the President, former President? Yes or no na po? Walang personal? Yes or no na po?” Giit ni Paduano
Sagot ni Garma, “Mr. Chair, I’m not close. Ang-floating pa nga ako during his time,” na pinatutungkulan ang panahon na siya ay nawalan ng posisyon sa kasagsagan ng termino ni Duterte bilang alkalde ng Davao noong 2011.
Pero hindi kumbinsido si Paduano na inisa-isa ang mga matataas na pwestong hinawakan ni Garma.
“But after that, lahat na position mo juicy… Palipat-lipat ka doon sa Davao. You cannot be deployed as CIDG in Region 7 if you’re not close to the President,” ani Paduano.
Sa kanilang huling palitan, pina contempt ni Paduano sa Garma na inakusahan niyang umiiwas sa pagbibigay ng sagot sa kanyang tanong.