Garma-Duterte nadidiin sa imbestigasyon ng Quad Committee
HINDI maikakaila na umani ng napakarmaing suporta ang ginagawang imbestigasyon ng House Quad Committee na nag-iimbestiga sa ilegal na operasyon ng POGO, illegal drugs, extra judicial killings (EJK) at paglabag sa karapatang pantao kaugnay sa inilunsad na madugong giyera laban sa droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung baga sa pelikula, “box office hit” ang mga pagdinig lalu na nang maungkat ang naging papel ng mga malapit na tauhan ng dating Pangulo sa EJK at sa pamamayagpag ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na naging ugat ng napakaraming uri ng krimen.
Sa ika-apat na pagdinig nga, isiniwalat ni dating Davao Prison and Penal Farm Warden Sr. Supt. Gerardo Padilla na sinabihan daw siya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Ret. Colonel Royina Garma na huwag makialam sa gagawing pagpatay sa tatlong Chinese nationals na nakapiit sa naturang penal farm kung ayaw niyang madamay pati ang kanyang pamilya.
Ang testimonya ni Padilla ay tumugma sa pahayag ng inmate ng Penal Farm na sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando Magdadaro na naatasang pumatay sa tatlong Chinese drug lord at ang kautusan daw ay galing sa “itaas”, kabilang na raw si Garma.
Nabulgar din ang sinasabing reward system sa bawa’t mapapatay na drug personality na umano’y galing daw ang pondo sa kaban ng pamahalaan at sa kinikita ng POGO.
Hindi dumalo sa naturang pagdinig si Garma sa kabila ng mga imbitasyon ng quad committee na lalung nagpalaki sa hinala na posibleng mayroon siyang partisipasyon sa reward system at mga EJK kaya’t pinadalhan na siya ng subpoena at binantaang ipa-aaresto kapag hindi pa sumipot.
Kilala si Garma bilang kaalyado ni Duterte, na siyang nagtalaga sa kanya bilang general manager ng PCSO matapos magsilbi bilang hepe ng Sta Ana Police Station sa Davao City kung saan siya malamang na napansin ng dating Pangulo hanggang sa pamunuan ang Cebu City Police Office.
Naging palaisipan tuloy ang pagtatalaga kay Garma sa PCSO ng dating Pangulo lalu na’t lumutang sa imbestigasyon ang kanyang pangalan na may alam sa paglikida sa tatlong Chinese drug lord na baka raw pabuya dahil sa “job well done”. Abangan natin sa pagpapatuloy ngayong araw ng pagdinig kung dadalo na si Garma para sagutin ang akusasyon laban sa kanya.
Mga naggigiit na wala na sa compound ng KOJC si Quibuloy, napahiya
TAMEME ang mga kilalang personalidad at mga pulitiko na nagigiit na wala na sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) si Pastor Apollo Quibuloy matapos maaresto o sumuko ang puganteng pastor.
To save face ika nga, may nagsasabi pa na wala talaga sa compound si Quibuloy at bumalik lang daw noong Linggo para sumuko na ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ay isa lang kuwentong kutsero.
Tama naman ang Kalihim dahil kung susuko, eh bakit babalik pa sa compound? Dapat, dumiretso na siya sa opisyal ng militar na kanyang pinili para sumuko.
Hindi na rin siguro mahalaga kung igiit ng kampo ni Quibuloy na hindi siya naaresto kundi sumuko pero ang maliwanag, sabi nga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sukol na nila ang Pastor at wala ng masusulingan kaya napilitang lumantad.
Ang aabangan ngayon ay kung sino-sino ang mga irerekomenda ni Police Regional Office (PRO) 11 P/BGen. Nicolas Torre III na makasuhan ng obstruction of justice at harboring a fugitive at tiyak na kabilang dito ang ilang mga taga-sunod ng puganteng pastor.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].