Gadon: Leni malabong manalo
SINABI ni UniTeam senatorial candidate Atty. Larry Gadon na napakaliit na ng tsansang manalo ni Leni Robredo sa pampanguluhan ngayong May 9 elections.
Ayon kay Gadon, ang mababang net satisfaction ratings nito na sumadsad mula hanggang 40% hanggang 1% ay isang pangitain na walang kakayahan itong makakuha ng malaking boto sa nalalapit na halalan.
“Saan ka nakakita ng dating 40%, ngayon 1% na lang? Tapos sasabihin ng mga dilawan lumalakas si Robredo? Kalokohan iyan,” ani Gadon.
Ang pinagbatayang numero ni Gadon ay ang inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa huling quarter ng taong 2021. Isinagawa ito noong December 12 to 16, 2021 mula sa 1,400 respondents.
Ani Gadon, kahit anong gawin ng pangangampanya ni Robredo, wala na itong oras para mahikayat ang mga botante na magtiwala uli sa kanya.
“Mabigat ang pagsadsad ng satisfaction ratings ni Robredo. Kaya nga satisfaction kasi ang tanong ay kung ‘satisfied’ ba sila sa performance ni Leni. Ang sagot nila ay hindi. Bakit kamo, kasi iyong dating 40% ay 1% na lang ngayon ang nagsasabing satisfied sa kanya. So paano ka pa ngayon makakukuha ng boto sa publiko, eh hindi nga nagustuhan ang pamamahala ng buong termino mo?” paliwanag pa ni Gadon.
Base sa SWS survey, si Robredo rin ang may pinakamababang ‘performance ratings’ sa lahat ng pinakamataas na government officials sa bansa. Tinaob pa ang numero nito ni Senate President Tito Sotto na may +51 net ratings.
Si Speaker Lord Allan Velasco ay may +5 net rating at si Chief Justice Alexander Gesmundo ay may +6 net rating.
Ang catch, lahat halos ng lugar sa Pilipinas ay bumaba ng 23 points percent si Robredo, partikular na sa Mindanao.
Sa Metro Manila ay -16% (poor) na ito mula sa dating +1 (neutral). Sa Visayas na ang dating +47 (good) ay +27 (moderate) na lang ngayon at ang +20 (moderate) ay -27 (poor) na ngayon sa buong Mindanao.
Kahit sa Balance Luzon, bumulusok paibaba mula sa +24 nitong September 2021 ay +10 na lang ito nitong December.
Ang ‘urban net satisfaction’ ni Robredo na dating +13 (moderate) ay -13 (poor) na ito ngayon, samantalang ang ‘rural net satisfaction’ ay bumaba rin dahil ang dating +34 (good) ay +14 (moderate) na lang ito sa kasalukuyan.
“Kaya ang ginagawa nila ngayon ay maghakot at magbayad ng tao sa rally. Mang-eengganyo ng mga estudyante kahit hindi pa mga botante, pang-come on ang mga artista at mga banda. Magpo-photo shop. Tatambakan ng lobo ang crowds para sa aerial shots ay magmukhang marami. Nandaya na noong 2016 vice-presidential elections, tapos ngayon mandaraya pa rin sa bilang ng kanilang mga rally, ” ani Gadon.
Sinabi nitong kung talagang tapat na maglingkod sa taumbayan si Robredo sana ay naramdaman at nagustuhan ito ng mamamayang Pilipino sa nakalipas na limang taon at mahigit anim na buwan nitong panungkulan bilang vice-president.
“Pero wala! Ngayon naman ay nagha-house to house pa sila at babayaran ang mga taong maha-house to house nila. Pero kahit anong gawin nila, hindi na nila maloloko ang tao at malabo kailanman manalo sa eleksiyon ang may mababang satisfaction rating,” dagdag pa ni Gadon.
Binigyang-diin ni Gadon na ang mababang numero ni Robredo ngayon ay malabo nang makabangon pa lalo’t isang buwan na lang halos ay halalan na!