Gabby Gabby Padilla

Gabby hindi umaasang matatalo si Marian

August 11, 2024 Eugene E. Asis 146 views
Gabby1
Gabby Padilla at Arisa Nakano
Marian
Marian Rivera

HINDI umaasa ang mahusay na aktres na si Gabby Padilla na mananalong best actress sa Cinemalaya film festival, lalupa’t malalaking pangalan ang katunggali niya tulad ni Marian Rivera. Ang importante, ginawa niya ang dapat gawin para sa kanyang role sa pelikulang “Kono Basho (This Place)” na kinunan pa sa Japan at kung saan, nakasama niya ang mahusay na Japanese actress na si Arisa Nakano.

Ayon kay Gabby tungkol kay Arisa, “It was a great experience, although we met just a few days before the shooting, she made it easy to connect with her and hindi mahirap imagine na magkapatid kami. And she’s just a generous actress.”

Sa mga cineaste, nakilala si Arisa para sa kanyang role sa pelikulang “Best Days” kasama ang Japanese actor na si Kōji Yakusho na nanalong best actor sa 2023 Cannes Film Festival.

Si Gabby naman na nagsimula bilang theater actress ay napanood sa “Dead Kids” (ang kauna-unahang Pinoy film na napanood sa Netflix) at “Eerie” ni Mikhail Red, at iba pang makabuluhang palabas tulad ng “Safe Skies, Archer,” “A Very Good Girl” at iba pa.

Samantala, kahit nahirapan si Gabby sa pakikipag-usap kay Arisa sa set ng “Kono Basho,” puring puri niya ang husay ng Japanese actress.

“Sobrang galing niya po, kahit minsan hindi kami magkaintindihan sa set,” ani Gabby.

Sa pelikula niya sa Cinemalaya noong isang taon, ang “Gitling,” mga Japanese actor din ang kasama niya, kahit sa Bacolod lamang ito ginawa. Pero ayon sa kanya, ibang-iba ang “Kono Basho” rito.

Ang masaya para sa kanya ay ang muling mapanood sa Cinemalaya at muling makasama ang ilang dati na niyang nakakahalubilo sa film festival na ito.

Ang “Kono Basho” ay naglalahad ng kuwento ni Ella (Gabby), isang 28-year-old na Filipina anthropologist. Pumunta siya sa Rikuzentakata City sa Japan para sa libing ng kanyang matagal na nawalay na ama, si Emman na may iba nang pamilya roon. Nakilala niya ang kanyang Japanese half-sister, si Reina (Arisa). Ang mga una nilang pagkikita ay may nagtatalong emosyon, pero sa bandang huli, naunawaan ng bawa’t isa ang kanilang indibidwal na damdamin at pinanggagalingan.

“Yung nature kasi nung film is grieve, so mahirap talaga siya as someone who has dealt with it in her personal life. Mahirap lang kasi I had to revisit my own feelings na baka hindi healed. So kinailangan ko humugot dun, that was the challenge,” ani Gabby na ang pinatutungkulan ay ang pagkawala ng sariling ama dalawang taon na ang nakararaan.

Pagkatapos sa Cinemalaya, may balak ang mga producer nito na dalhin ang “Kono Basho” sa mga international film festival.

“Sana naman, I mean we’re happy to bring the film to wherever it’s meant to be, and who knows if it’s to Japan or worldwide, why not? We would be happy to share it with the bigger audience,” ayon sa kanya.

Ang “Kono Basho” ay dinirek ni Jaime Pacena II at prinodyus ng Project 8 Projects nina Antoinette Jadaone at Dan Villegas (na director of photography ng naturang pelikula) at ng Mentorque Productions na pinamumunuan ni Bryan Dy.

AUTHOR PROFILE