Guadiz

Fuel subsidy sa PUVs ibibigay sa Sept 13

September 12, 2023 Jun I. Legaspi 390 views

IPAGPAPATULOY na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng subsidy sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan simula sa Setyembre 13 para makaagapay sa walang prenong taas-presyo ng mga produktong petrolyo.

Kasunod ito ng nilagdaang Memorandum of Agreement at Joint Memorandum Circular No. 02, series of 2023, ng Department of Transportation (DOTr), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Budget and Management (DBM), Department of Energy (DOE), LTFRB at Land Bank of the Philippines (LBP).

Sa ilalim din ng Memorandum Circular No. 2023-038 o ang Pantawid Pasada Program (PPP) o Fuel Subsidy Program (FSP), mabibigyan ng subsidiya ang mga operator ng mga pampublikong dyip o PUJ, Filcabs, UV Express (UVE), minibuses, pampublikong bus, shuttle services, taxis, tourist transport services, school transport service, Transportation Network Vehicle Services (TNVS), delivery services at tricycle.

Makatatanggap ng P10,000 na subsidiya ang bawat operator ng modern PUJs at UVEs na kwalipikado sa programa at P6,500 naman sa bawat operator ng iba pang pampublikong sasakyan moderno man o hindi.

Samantala, sa pangunguna ng DICT at DTI, bibigyan ng P1,200 subsidiya ang bawat delivery service rider na kwalipikado sa programa. Habang P1,000 ang ipagkakaloob sa mga tsuper ng tricycle sa pangangasiwa ng DILG.

Paliwanag ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, walang pampublikong sasakyan ang papaboran sa pamamahagi ng subsidy dahil nangangailangan nito ang lahat ng klase ng pampublikong sasakyan.

“Pero nais ko pong linawin na pakikinabangan po ito ng lahat. Modern man o hindi. Consolidated man o hindi. Para po sa lahat ng ating mga operator na nahihirapan dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo ang subsidiya na ito,” dagdag pa ni Guadiz.

Batay sa taya ng DOTr at LTFRB, nasa 1.36 milyon na mga operator ang makatatanggap ng subsidiya. Sa nasabing bilang, 280,000 na unit ng public utility vehicles (PUVs) ang makikinabang sa programa. Habang 930,000 ang tricycle at 150,000 naman ang mga delivery service.

Ipamamahagi ang subsidiya sa pamamagitan ng digital banking tulad ng e-wallet accounts, bank accounts at fuel subsidy card na dati nang nakarehistro sa mga benepisyaryo ng FSP.

Kinakailangan lamang na mayroong bisa ang prangkisa ng pampublikong sasakyan o nakarehistro ito sa LTFRB upang maging kwalipikadong benepisyaryo.

AUTHOR PROFILE