‘Fuel subsidy’ sa mga tricycle drivers

December 12, 2022 Paul M. Gutierrez 178 views

PaulNOONG Biyernes, dalawang araw matapos “magisa” sa kanyang confirmation hearing sa Senado si Transport (DOTr) Secretary Jaime Bautista, ibinulong ng mga miron na nakipagpulong ang kalihim kay Sen. Alan Peter Cayetano upang “linawin” ang ilang isyu na nasa mandato ng DOTr katulad ng ‘fuel subsidy’ sa transport sector, kasama na ang mga tricycle drivers.

Marami kasing nagiging delay sa pag-iimplement ng ilang mga proyektong matagal nang nakasalang, kasama na ang mga nasimulan noong termino ni PDU30 at isa nga dito ay ang fuel subsidy sa transport sector.

Kuwento pa ng mga miron, Boss Joey Venancio, nagpulong ang dalawa at nagkasundo sa ilang mga bagay partikular na ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga tricycle driver.

Batay kasi sa datos, halos isang porsiyento pa lang (1 percent) o 6,000 sa tinatayang 600,000 tricycle drivers sa bansa (ayon sa datos ng DILG) ang nabiyayaan ng subsidy.

Samantala, may badyet naman palang P2.5 bilyon para sa fuel subsidy program ng gobyerno para sa public transport sector.

Ang dahilan ni Bautista ay “kulang” daw ang listahan ng mga tricycle driver sa ilang mga Local Government Units (LGU).

Mabuti naman na nag-usap ang dalawa at nagkaliwanagan, dahil ayon kay Cayetano, kung kulang man ang mga master list sa lokal na pamahalaan, pwede itong punan ng mga Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) na isa sa mga pinaka-organisadong grupo sa bansa.

Kahit saang sulok ka pumunta ay may TODA, at tiyak na kumpleto ang listahan nila ng kani-kanilang mga miyembro.

Sa meeting nila noong Biyernes, nagkasundo sina Cayetano at Bautista na idaan na lang nga sa LGU ang pamamahagi ng subsidy.

May kakayahan nga naman ang mga LGUs tulad ng nakita na natin noong pandemya ng COVID-19 kung saan sila ang nag-distribute ng ayuda sa mga mamamayan (kahit maraming reklamo).

Pangalawa, madali nilang makuha ang tulong ng mga TODA dahil sila ang direktang nangangasiwa ng mga ito botante kasi nila, hehehe!

Malaking tulong ang subsidy na ito sa mga tricycle driver dahil hanggang ngayon ay hirap na hirap pa rin sila bunsod ng mataas na presyo ng gasolina, inflation, at ang pandemya na nakaapekto sa kabuhayan nating lahat.

Kung makakakuha sila ng anumang halaga kahit ba isang libong piso lang ‘yan ay gagaan kahit paano ang kanilang pasanin.

Malalaman din nila na nasa panig nila ang gobyerno at handa itong tulungan sila sa panahon ng paghihirap.

Sa ngayon kasi ay maramin sa kanila ang nagrereklamo dahil tila nakalimutan na sila. Sana nga ay gamitin ni Bautista ang expertise niya bilang private sector executive bilang dating presidente ng Philippine Airlines, para ayusin ang DOTr at nang sa gayon ay gumanda ang lagay ng transport sector at umunlad din ang transporation system ng bansa.

AUTHOR PROFILE