Bautista

Fuel subsidy ng mga trike driver target matapos sa Enero 2023

December 13, 2022 Jun I. Legaspi 353 views

NANGAKO si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na sa kalagitnaan ng Enero ng susunod na taon ay matatapos na nila ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tricycle drivers.

Sa muling pagharap ni Bautista sa Commission on Appointments (CA), sinabi ni Bautista na sa ngayon ay tuloy-tuloy ang koordinasyon nila sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pamamahagi ng fuel subsidy.

Sa target ng ahensiya, sa pagtatapos ng taon 60% ng 600,000 tricycle drivers ay mabibigyan na ng subsidiya habang sa Enero 15, 2023 ay mabibigyan na ang lahat ng benepisyaryo.

Sinabi ni Bautista na sa simula ng kanyang panunungkulan ay agad silang namahagi ng fuel subsidy kung saan agad na nabigyan ang may 6,000 tricycle drivers hanggang sa tumaas ito sa 20,000 drivers hanggang ngayon.

Matatandaang sa unang confirmation hearing ni Bautista, pinuna ni Senador Alan Peter Cayetano ang mabagal na pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tricycle drivers.

Sa datos, kabuuang P2.5 bilyon ang fuel subsidies na ipamimigay sa mga tricycle drivers.

AUTHOR PROFILE