Default Thumbnail

Fruit stand inararo ng truck, 17 sugatan

December 12, 2023 People's Tonight 257 views

LABIMPITONG tao ang nasugatan matapos na araruhin ng truck ang fruit stand sa gilid ng kalsada nitong Lunes ng hapon sa Old Balatukan, Makilala, North Cotabato.

Apat sa mga biktima na nasa kritikal na kalagayan ay nakilalang sina Nathaniel Verano, Lodevico Corte, Leticia Verano at Dylen Calibay, tindera ng fruit stand.

Batay sa ulat ng North Cotabato Police, naganap ang insidente dakong ala-1 ng hapon sa national highway ng lugar.

Karamihan sa mga biktima ay lulan ng Bonggo Truck na galing sa pakikipaglamay sa President Roxas at pauwi na sana sa Sarangani province nang maganap ang aksidente.

Sa inisyal na ulat, nawalan ng preno ang truck kaya’t nabunggo nito ang fruit stand sa gilid ng kalsada.

Bukod sa pagkawala ng preno ng sasakyan, isa sa mga anggulong sinisilip ng mga imbestigador ang human error diumano dahil karamihan sa sakay ng truck ay mga puyat dahil galing ang mga ito sa lamay.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Makilala Municipal Police Station chief, PLt. Col. Britz Sales sa mga kaanak at opisyal ng bayan na pinagmulan ng mga biktima na tulungan ang mga ito sa gastusin sa pagamutan at makauwi sa kani-kanilang tahanan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulisya sa insidente.

AUTHOR PROFILE