Default Thumbnail

Free HOHO tour hanggang Hulyo 14

July 9, 2023 Edd Reyes 207 views

MAY limang araw pa ang mga Manileños upang samantalahin ang libreng sakay sa Hop-on/Hop-off (HOHO) bus tour ng Department of Tourism (DoT) na lilibot sa mga makasaysayang lugar sa Maynila.

Ayon sa Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM), libre pa ang HOHO sa lahat ng residente ng Maynila mula nang ilunsad ito noong Hulyo 7.

Tatagal ng isang linggo o hanggang Hulyo 14 ang free HOHO maliban na lang kung ie-extend ni Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan.

Ayon kay DTCAM Director Charlie “Mama Cha” Dungo, kailangan lamang ng mga residente ng Maynila mag-prisinta ng ID card na magpapatunay na residente sila ng lungsod kung gustong maranasan ng libre ang programa.

Mas mapapadali ang proseso kung ida-download ang Philippine Hop-on/Hop-off mobile application para lumikha ng kanilang sariling account ang gustong sumubok sa programa.

Ayon kay Mayor Lacuna-Pangan, kabilang ang Robinsons Place Manila, Rajah Sulayman Fountain, Rizal Park, National Museum, Malacañang heritage area, Manila City Hall, Escolta o ang Jones Bridge, Binondo at ang makasaysayan Intramuros sa mga pupuntahan sa tulong ng HOHO.

Magsisimula ang programa ng alas-10 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.

Sa mga hindi taga-Maynila at dayuhang turista, P1,000 hanggang P2,500 bawat kliyente ang bayad sa bawat HOHO ride depende sa layo ng lugar na bibisitahin.

AUTHOR PROFILE