Frasco dumalo sa groundbreaking ng ika-15 Tourist Rest Area sa Antique
SINIMULAN na ang construction ng pang-15 Tourist Rest Area (TRA) sa Brgy. Aningalan, San Remigio, Antique at mismong si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco ang namuno sa groundbreaking noong Huwebes.
Pangalawa sa Western Visayas ang San Remigio TRA at una sa Antique, ayon sa DOT.
Proyekto ng DOT ang mga TRA sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
May mga mahahalagang amenities ang pasilidad gaya ng banyo, mga tourist information desk, charging station at pasalubong center.
Summer Capital of Antique ang Brgy. Aningalan kaya dito inilagay ang pasilidad para sa mga manlalakbay na bumibisita sa mga eco-tourism attraction ng lugar gaya ng Highland Strawberry Garden, Danao Lake at Rafflesia site.
Kasama ni Secretary Frasco sa ceremonial capsule-laying sina Congressman Antonio Agapito “AA” Legarda, Jr., San Remigio Mayor Margarito Mission Jr., Sangguniang Panlalawigan Member Dante Beriong, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Assistant Chief Operating Officer Jetro Nicolas Lozada at DOT Director Glenn Albert Ocampo.