Francine Diaz

Francine mas na-challenge matapos ang BIFAN entry na ‘Tenement 66’

July 17, 2021 People's Journal 673 views

IBINAHAGI ng 17-year-old na si Francine Diaz na isang malaki at hindi inaasahang pagkakataon na mapansin ang ang kanyang unang suspense thriller movie na“Tenement 66” sa 25th Bucheon International Fantastic Film Festival (BIFAN), sa kategoryang Bucheon Choice.

“Napakalaking blessing, napakalaking opportunity,” sabi pa ni Francine.

Si Francine ang gumaganap na Lea, isang tahimik ngunit palaban na babae kasama sina Francis Magundayao at Noel Comia sa ilalim ng direksyon ni Rae Red.

Ang storya ng “Tenement 66” ay sumusunod sa tatlong kabataan, si Lea (Francine) at ang kanyang mga kapit-bahay (Francis at Noel), na nagplanong pagnakawan ang apartment ng isang lalaking nagngangalang na Nando (Lou Veloso). Ang kanilang plano ay nauwi sa isang peligro matapos silang ma-hostage ng kilabot na homeowner at humantong sa isang madugo at hindi inaasahang pangyayari.

Sa lahat ng mga scene sa iWantTFC na pelikula, ang pinakamahirap, ayon kay Francine, ay ang scene kung saan pinahihirapan sya.

Gayunman, natuwa si Francine sa hamon na ibinigay ng scene.

“Kasi na-e-explore ko yung sarili ko bilang artista at kung hanggang saan ang kaya ko at kung ano ang kaya kong ibigay,” Ika niya.

Hindi rin nagdalawang-isip and “Huwag Ka Nang Mangamba” star sa kanyang role at proyekto

“After nilang ibigay sakin yung kwento at yung character, sabi ko, ‘Okay po ako. Kelan po tayo magsisimula?’ Kaya talagang sobrang saya ko nung nabigay siya sakin,” sabi pa ng isa sa bida ng Click Like and Share.

Aminadong kinabahan si Francine nang malaman na ang award-winning feminist film director ng “Babae at Baril” ang kanyang makakatrabaho.

“Kasi first time ko po siyang makaka-trabaho. Napakagaling na director at open siya sa mga suggestions naming actors, kung ano ang gusto naming gawin sa characters namin. Ready siya makipag-collaborate sa mga actors,” kwento ni Francine.

Dahil sa “Tenement 66” na isang malaking proyektong pinagkatiwala sa kanya, mas handa na ang dalaga sa mas mapaghamong mga karakter na kanyang gagawin sa mga darating na proyekto. Kahit anim na taon na siya sa industriya, nais parin ni Francine na makilahok at gumanap sa maraming pinapangarap na proyekto.

“Gusto kong ma-try yung role na secret agent ako or ako naman yung medyo ma-action. Yung parang si Al Pacino sa Scarface tapos si Angeline Jolie sa Salt,” Ibinahagi niya.

Samantala, ang “Tenement 66” ay mapapanood commercial-free at high-definition sa SKY Pay-Per-View ng Hulyo 9 hanggang Agosto 9. Ang “Tenement 66” ay isang co-production ng Dreamscape Entertainment, ABS-CBN entertainment, at ng Epicmedia.

AUTHOR PROFILE