NAIA

Flight sa NAIA naantala dahil sa masamang panahon, pagkidlat

June 2, 2024 Jun I. Legaspi 234 views

MULING humingi ng pang-unawa at kooperasyon sa publiko ang Manila International Airport Authority (MIAA) makaraang naantala ang mga flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa masamang panahon at pagkidlat.

Unang inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagpasok na ng panahon ng tag-ulan nitong Miyerkules, Mayo 29, at inaasahan ang malakas na pag-ulan at thunderstorms sa buong bansa.

Sa parehong araw, anim na lightning alerts ang naranasan ng NAIA na pawang may average na isa at dalawang minute sa kanilang Lightning Red Alert Status, saka ibinaba sa Lighting Yellow Alert Status. Bukod dito, noong Mayo 17, may 12 lightning alerts ang naiulat sa loob ng isang araw.

Sa ganitong mga sitwasyon, naglalabas ang MIAA Airport Ground Operations and Safety Division (AGOSD) ng Lightning Red Alert, na dahilan ng pansamantalang suspension sa mga paglipad at ground movements sa rampa. Mananatiling naka-hold ang operasyon hanggang sa maibaba na ang alerto sa Yellow, na senyales na maaari nang magpatuloy ang “flight operations”.

“Lahat ng paliparan sa buong mundo ay nag-a-adopt ng sariling ‘lightning alert level systems’ para maproteksyunan ang buhay ng kanilang mga manggagawa sa rampa. Mayroon rin nito ang NAIA,” ayon kay GM Eric Ines.

“Bukod sa ‘lightning alert system’ at para sa dagdag na proteksyon, mayroon rin kaming ‘lightning shelters’ sa paligid ng ‘ramp area’ kung saan maaari silang sumilong kapag nag-isyu ng ‘lightning red alert’,” paliwanag pa niya.

Mayroon naman ngayon ang mga ‘commercial airplanes’ ng mga ‘conducting paths’ sa loob ng aircraft na kayang proteksyunan ito sa oras na magkaroon ng ‘lightning strike’.

Habang ang NAIA ay mayroon namang 20 ‘lightning arresters’ na nakalagay sa paligid ng ramp area. Ang mga equipment na ito ay nakadisensyo para proteksyunan ang mga ‘electrical at telecommunication facilities’ mula sa mga ‘power surges’ dulot ng pagtama ng kidlat. Nasasagap ng mga ‘arrresters’ ang kidlat at dinadala ito ng ligtas sa lupa.

“Habang nanatiling pangunahing concern naming ang kaginhawahan at proteksyon ng aming mga pasahero, kapantay rin nito ang buhay ng aming mga ramp workers na napakahalaga sa ‘flight operations,” ayon pa sa airport chief.

Dagdag pa dito, hinikayat rin ni Ines ang mga airline operators na magsagawa ng mga anunsyo sa loob ng mga eroplano habang sila ay nananatili sa ground o patungo sa NAIA, para masiguro na mabibigyan ng impormasyon ang mga pasahero ukol sa sitwasyon.

AUTHOR PROFILE