Work

Flexible work sked para proteksyon sa init hiniling

March 10, 2025 PS Jun M. Sarmiento 134 views

NANAWAGAN si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga employer na ipatupad ang flexible work arrangements o pansamantalang pahinga sa trabaho upang maprotektahan ang mga manggagawa mula sa matinding init ng panahon.

“Dapat nating tiyakin na ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga manggagawa ay hindi isinasakripisyo,” ani Pimentel. “Ang kanilang kapakanan at kalusugan ay dapat laging pangunahing isinasaalang-alang.”

Ayon sa Department of Health (DOH), maaaring magdulot ng seryosong epekto sa kalusugan ang matinding init ng panahon, kabilang ang heat exhaustion, heat cramps, at heat stroke—na maaaring humantong sa kamatayan kung hindi maagapan.

Batay sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy ang pagtaas ng heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na naglalagay sa mga outdoor at field workers sa mas mataas na panganib.

Upang maiwasan ang masamang epekto ng sobrang init, iminungkahi ni Pimentel ang pagpapatupad ng flexible work arrangements, kabilang ang pagpapaikli ng oras ng trabaho sa labas, pagbibigay ng sapat na pahinga, at kung maaari, ang work-from-home setup para sa mga empleyadong hindi kinakailangang lumabas ng opisina.

Hindi lamang sapat na bigyan ng pahinga ang mga manggagawa, ani Pimentel. Dapat tiyakin ng mga employer na may aktwal na silungan laban sa matinding init—hindi lang basta pahinga, kundi maayos na lilim o lugar na may bentilasyon kung saan ligtas at komportableng makakapagpahinga ang mga manggagawa.

Hinimok rin niya ang Department of Labor and Employment (DOLE) na makipag-ugnayan sa pribadong sektor upang ipatupad ang mga patakarang magbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa, kabilang ang pansamantalang pahinga sa trabaho o sapilitang rest period kung umabot na sa mapanganib na antas ang heat index.

“May mga pamilya silang umaasa sa kanila. Kung palalabasin pa sila sa matinding sikat ng araw, maaaring malagay sa panganib ang kanilang buhay at kaligtasan,” dagdag pa ng senador.

Bilang dagdag na hakbang, iminungkahi ni Pimentel na pag-aralan ang mga patakaran sa ibang bansa, tulad ng United Arab Emirates, kung saan may itinakdang limitasyon sa oras ng trabaho tuwing matinding init upang protektahan ang mga manggagawa.

Sa patuloy na pagtaas ng temperatura, iginiit ni Pimentel na agarang aksyon ang kailangan upang matiyak ang kaligtasan ng mga obrero sa buong bansa.