Default Thumbnail

Flexibility sa housing program

May 1, 2023 Allan L. Encarnacion 200 views

Allan EncarnacionMAGANDA ring maikunsidera ni Housing Chief, Secretary Jerry Acuzar ang panukala ni Quezon Governor Doc Helen Tan na maging flexible ang mga proyektong pabahay ng Marcos administration.

Agresibo ang gobyerno na makapagpatayo ng isang milyong bahay sa loob ng isang taon para maabot ang target ng Pangulong BBM na anim na milyon housing units sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028.

Ambisyoso ang ganitong proyekto na hindi pa nangyari sa mga nakaraang administrasyon kaya dapat tingnan ng mamamayan ito bilang inspirasyon.

Nang makausap natin si Governor Tan, pinupuri niya ang housing program ng administrasyon at naniniwala siyang kaya itong magawa ni Secretary Acuzar kung magkakatulungan nang husto ang lokal at nasyunal na pamahalaan.

Sa ngayon, marami nang sinisimulang pabahay sa Bacolod City, sa Maynila, sa Quezon City at kung saan-saan pa dito sa Metro Manila.

Karamihan ng mga ginagawa ngayon nila Sec Acuzar ay vertical o mga condo type units na pataas ang development.

Nauunawaan natin ang istilong ito ng Department of Human Settlement and Urban Development o DHSUD dahil una, maliit na ang espasyo sa Metro Manila at masyadong mahal ang lupa rito kaya kailangang pataas ang paggawa ng mga murang pabahay para sa ating mga kababayang mahihirap.

Pero tama rin si Gov. Helen na dapat ay magkaroon ng flexibility ang gobyerno kapag ang gagawing pabahay ay sa mga rural areas gaya ng lalawigan ng Quezon. Maraming bakanteng lote at malalaki ang lupa sa mga probinsiya kaya angkop din ang panukala ni Doc Helen na gawing horizontal ang housing development sa mga probinsiya.

Kung halimbawang sa mga vertical housing ay 30 hanggang 40 square meters ang mga housing units, dapat siguro ay mas malaki sa mga lalawigan. Ibig sabihin, kahit paano ay may maliit na bakuran para sa gardening. Okey din kahit mga 80 square-meters ang lot area para may galawan pa.

Iba rin kasi ang dating kapag may “sense of ownership” na may bakuran ang mga kababayan natin sa probinsiya, lalo na’t sinasabi naman ni Governor Tan na malalaki ang mga lupang puwedeng magamit ng DSHUD para sa mga housing projects.

Gusto nating linawin, hindi libre ang pabahay na ito pero mura at talagang abot kaya ang itatakda ng gobyerno. Hindi rin kasi magandang libre nating ibibigay sa mga mahihirap ang bahay dahil nawawala iyong aspeto ng malasakit. May titulo ito at tiyak na nakapangalan sa totoong may-ari na kukuha ng unit pero huhulugan nang mahabang panahon sa sobrang baba ng halaga. Mismong si Sec. Acuzar ang tumitiyak na affordable sa lahat ang mga itatayo nilang bahay.

“Para rin silang nangungupahan pero ito, murang-mura lang at iyong ibinabayad nilang upa ay kabayaran na sa mismong housing unit na kanilang tinitirahan. Bahay nila iyon, tahanan nila iyon. Hindi lang natin sila binibigyan ng bahay, Allan, binibigyan natin sila ng dignidad,” sabi pa sa atin ni Sec Acuzar nang atin siyang makausap sa kanyang opisina noong nakaraang buwan.

Kapag nakakausap natin si Secretary Acuzar, iisipin mong napakabilis niyang matatapos ang isang milyong bahay sa isang taon dahil sobrang sistematiko at grandiyoso ang kanyang plano.

Kung lahat ng lokal na pamahalaan ay tutulong lang sa DSHUD tulad ng ginawa ni Gov. Tan, parang nagbubuo ka lang ng lego parts sa bilis na magagawa ang proyekto. In fairness sa Quezon City government, mukhang sila ang pinakaunang nagkaroon ng physical o actual na vertical housing project bago pa man pumasok ang Marcos administration. Inclusive at comprehensive ang housing program ni Mayor Belmonte.

Natutuwa nga tayo dito kay Mayor Joy Belmonte dahil napakasigasig na mailipat sa maayos na bahay ang mga informal settlers sa lungsod.

Basta tayo optimistic na magtatagumpay ang pabahay program na ito ng national government para malutas na ang malubhang problema natin sa squatting.

Iyong mga katulad nila Sec. Acuzar, Governor Tan, Bacolod Mayor Albee Benitez at Mayor Belmonte ang dahilan para patuloy tayong umasang may kalutasan ang housing backlog ng bansa na nagpatung-patong sa pasalin-salin na administrasyon.

[email protected]