Fish vendor pinatay sa QC, misis sugatan

April 27, 2022 Melnie Ragasa-limena 132 views

PATAY ang 25-anyos na fish vendor habang malubhang nasugatan ang kaniyang misis nang pagbabarilin sila ng hindi pa nakilalang salarin na pumasok sa kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Gerwin Castillo Oliverio, 25, habang malubhang nasugatan ang asawa niyang si Sonia Campillos Kasilag, 45, kapwa naninirahan sa 364 Steve Street, Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 6:30 ng gabi (April 26), nang maganap ang insidente sa tahanan ng mga biktima.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Nido Gevero Jr., ng CIDU, sa testigong nakilalang si Davie John, nakatayo siya kasama si Kasilag sa harapan ng kanilang bahay nang makarinig sila ng putok ng baril mula sa loob.

Agad na pumasok ng bahay si Davie John at doon ay bumungad sa kaniya ang duguang nakahandusay at wala nang buhay si Oliverio na tadtad ng tama ng bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril sa katawan.

Sa labas naman ng bahay ay bumulagta din si Kasilag sahi ng isang tama ng bala ng baril sa katawan kaya isinugod ito sa New Era General Hospital kung saan ay patuloy na inoobserbahan.

Nabatid na isang lalaki na armado ng baril na nakasuot ng sumbrero at short pants ang nakitang nagmamadaling lumabas mula sa tahanan ng mga biktima.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya kaugnay sa motibo ng poamamaslang upang matukoy ang salarin.