Allan

Firing squad

January 24, 2025 Allan L. Encarnacion 150 views

MAPAIT na pildoras ang panukalang firing squad sa mga magnanakaw na pulitiko, magmula sa barangay hanggang sa pinakamataas sa national office. Sana kasama rito ang mga umaastang little crocodile sa SK ha.

Kahit gaano kapait ang gamot na ito, kailangan nating inumin lahat kung ito talaga ang makakagaling sa naghihingalo nating bansa na nilulumpo ng katiwalian.

Noong mga tsikiting pa kami, hindi ko makalimutan kung gaano kapait ang katas mula sa dinikdik na dahon ng ampalaya na pilit pinaiinom sa amin. Isang kutsarang katas lang ng dahon ng ampalaya iyon pero kailangan naming inumin dahil iyon daw ang makagagaling sa marami naming karamdaman at magpapalakas umano ng aming immune system cum resistensiya.

Aminin man natin o hindi, kailangan na nating palakasin ang resistensiya ng ating bansa at pagalingin ito sa marami niyang karamdaman.

Hindi pa masyasong masakit ang mga natural calamaties at pandemic kasi wala naman tayong magagawa sa puwersa ng kalikasan. Pero ang mga sakit ng ating bansa ay “self-inflicted” o man-made dahil kagagawan ito ng mga pulitikong walang patumangga sa pagnanakaw sa pera ng ating bayan.

Masakit sa tainga ang panukalang ito na babarilin sa plaza ang mga buwaya sa pamahalaan pero mukhang ito na talaga ang kailangan natin.

Hindi madaling tanggapin sa isang Kristiyanong bansa ang pumatay ng kapwa kaya nga naibasura ang death penalty laban sa mga heinous crimes.

Hindi ito ang isang bansang pinaparangap natin sa ating mga anak, sa anak ng ating mga anak, sa ating mga magiging apo sa tuhod.

Masyado na tayong napag-iwanan ng mga kapitbahay natin noon na dati’y mga mahihirap rin na bansa dahil nga sa grabeng kultura ng katiwalian na pinababayaan lang natin.

Kung magiging katotohanan at magiging batas ang ponukalang firing squad, baka dyan na magsimulang magbago ang estado ng ating bansa mula sa pagiging 3rd world to middle income at hanggang maging fully grown highly developed territory na tayo.

Para sa pinakamamahala nating bansang Pilipinas, baka suportahan na ito ng ating mga kababayan.

Sinu-sino kaya ang mauuna sa pila sa palagay nyo?

[email protected]