Santa Ana

FIRE EXTINGUISHER SUMABOG, LALAKI DEDO

March 2, 2023 Jonjon Reyes 643 views

NAMATAY habang sinasalba ng mga manggagawa ang isang 21-anyos na laborer sa pinagdalhang pagamutan, matapos sumabog ang fire extinguisher sa kanyang pinapasukang trabaho sa Tejeron Street, Sta. Ana, Manila.

Kinilala ni Det. Charles Bauzon Dela Torre, may hawak ng kaso, ang biktimang si Emmanuel Boco, may live- in partner at residente ng Waling Waling Street, San Andres, Malate, Manila.

Batay sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District- Homicide Section, bandang 10:45 a.m. nitong Huwebes nang maganap ang insidente sa loob ng warehouse sa DFST Fire Protection Product Trading.

Naglalagay ng hangin ang biktima sa fire extinguisher, nang bigla umano itong sumabog.

Dahil sa lakas ng impact, tumama ang nasabing fire extinguisher sa dibdib ng biktima.

Mabilis pang naisugod si Boco sa Sta. Ana Hospital, subalit dahil sa tindi ng tama nito sa kanyang dibdib idineklara itong wala ng buhay ni Dra.Rodette Santos, duty physician.

Ayon naman kay Dennis Taguiam, may ari ng fire extinguisher, sasagutin umano nito ang gastos sa burol at libing ng kanyang tauhan.

Lumitaw sa pagsisiyasat ni Det. Dela Torre, lima umano ang empleyado ni Taguiam. Tanging si Boco ang aksidenting nasabugan ng fire extinguisher na maaring nagkataon lamang.

“Matagal tagal ko na itong negosyo’ ngunit ngayon lang ito nangyaring aksidente,” pahayag ni Taguiam.

Gayunman, desidido si Taguiam na sagutin ang mga gastusin para sa biktima. Ang bangkay ay sasailalim sa autopsiya sa Cruz Funeral.

AUTHOR PROFILE