Mclize

Felize, binigyan ng pag-asa ang Mclisse

November 2, 2021 Vinia Vivar 121 views

Matapos ang pag-amin na may anak na sila ng girlfriend na si Elisse Joson, nag-post si McCoy de Leon ng madamdaming mensahe para sa kanyang mag-ina.

Sa mensahe ng aktor para sa anak na si Baby Felize, ramdam na ramdam mo ang kaligayahan niya sa pagdating sa buhay nila ng kanilang munting anghel.

“Binigay ka ng Diyos hindi lang isang regalo, binigay ka rin niya dahil binigyan mo kami ng pag asa ng nanay mo. Nagtuloy tuloy ang pagsasamahan namin dahil sayo, kasi alam naming ikaw ang magiging dahilan kaya kami nabubuhay sa mundong ito.

“Walang hanggang kasiyahan ang binibigay mo sa amin. Simula nung nakita namin hanggang ngayon. Bawat ngiti mo nawawala lahat ng pangangamba namin.

“Aaminin ko natatakot ako sa minsang magulong mundong ito, pero kahit anong mangyari poprotektahan kita hanggat buhay ako. Mamahalin kita nang higit pa sa sarili ko.

“At ngayon masayang masaya kami ng nanay mo na ipagmalaki ka sa buong mundo,” mensahe ni McCoy kay Baby Felize.

Para naman kay Elisse, he wrote, “Para naman sa ina ng anak ko, maaring marami tayong pinagdaan simula noon hanggang nandito pa rin tayo. Nagmamahalan ng lubos, sumusugal sa lahat ng maaring mangyari at tinaggap ang bawat isa lalo na ako… kaya salamat Elisse ko.”

Sa huli ay may pangakong binitiwan ang aktor sa kanyang mag-ina.

“At sa aking mag ina, Hindi man ako perpekto bilang ama o asawa pero gagawin kong perpekto ang pagmamahal ko para sa inyo. Pinangako ko sa Diyos ito at mangangako hanggang sa huli.

Mahal na mahal na mahal ko kayo Elisse at Felize,” ang pagtatapos ni McCoy.

Matatandaang umamin ang McLisse na mayroon na silang anak last Sunday sa Pinoy Big Brother: Kuminity Season 10.

Kinuha pa nilang ninong ng anak nila si Kuya o Big Brother.

AUTHOR PROFILE