FM

‘Family Matters’ na-overlook ng MMFF judges?

December 29, 2022 Eugene E. Asis 1698 views

MADALING unawain ang mensahe ng MMFF 2022 entry na ‘Family Matters’ ng Cineko Productions na dinirek ni Nuel Naval. Ito ay ang dilemma ng mga taong tumatanda at kung paano nila hinaharap ang mga challenge ng pang-araw-araw na buhay.

Si Francisco (Noel Trinidad) at (Liza Lorena) ay 55 taon nang kasal, at tila hindi nagkaroon ng problema sa kanilang pagsasama. Mga may asawa na at sariling pamilya na ang kanilang mga anak, mula sa panganay (Nonie Buencamino), pangalawa (Mylene Dizon), pangatlo (Nikki Valdez) at bunso (JC Santos).

Nasanay na ang mag-asawa sa set up nila sa kanilang sariling bahay, pero nang biglaang umalis si Nikki papuntang Amerika para makipagkita sa isang possible romantic partner, napagpasiyahan ng mga naiwang magkakapatid na gawing relyebo ang pag-aalaga sa dalawang matanda. Wala naman sanang problema dahil walang tumatanggi kundi ang kakulangan ng kanya-kanyang oras at situwasyon, pero may katigasan ng ulo (o prinsipyo) si Francisco, at gustong bumalik sa sariling bahay, kung saan walang nag-aalaga sa kanila kundi ang mga sarili lamang nila at isang matanda na ring katulong sa bahay. Sa madaling salita, ayaw niyang maging pabigat silang mag-asawa sa mga anak at patunayang sa kabila ng kanilang edad, malaki pa rin ang kanilang silbi sa lipunan, o sa sariling pamilya.

Maliwanag at maayos ang pagkakalahad ng kuwento, pati diyalogo (mula sa script ni Mel Mendoza-del Rosario) ay tunay namang relatable sa manonood. Ito ang tunay na pamilyang Pilipino at sa totoo lang, nang mapanood namin ito sa Robinsons Antipolo, maraming manonood ang umiyak sa mga eksenang madamdamin, tumawa sa mga bahaging nakakatuwa, at ngumiti sa mga magaan sa dibdib na mga eksena, lalo na nang magsama-sama ang buong pamilya at balikan ang mga nakagawian ng mga Pilipino, noong hindi pa tayo masyadong nahuhumaling sa cellphone, at iba pang gadget para sa social media. At pagkatapos ng pelikula, marami ang nagpalakpakan dahil nasiyahan ast humanga sila sa napanood.

Sa kabuuan, may itinuturo ang pelikula na hindi pilit, at tunay na entertaining sa hindi painsultong paraan. Above average din ang technical aspects nito, mula sa cinematography, musika at production design. Isa itong ensemble acting at lahat ay nagbigay ng tamang interpretasyon sa kani-kanilang role. Kaya marami ang nagtaka kung bakit tila na-overlook ito ng mga hurado sa nakaraang MMFF Awards Night (Gabi ng Parangal). Pero sabi nga, kanya-kanyang panlasa yan..

Nasa pangatlong puwesto ang ;Family Matters’ kung takilya ang pag-uusapan pero may pagkakataon pa ang mga hindi pa nakapapanood nito na maramdaman at makita ang kabuuan nito, isang pelikulang Pilipino na tungkol sa isang pamilyang Pilipino, may sensibilidad at gandang Pilipino.

AUTHOR PROFILE