
Failure of intel ugat ng MSU bombing–AFP
INAMIN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na failure of intelligence ang ugat ng madugong pambobomba sa Mindanao State University (MSU) nitong Linggo.
Sinabi ni AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar na nagkaroon nga ng failure of intelligence sa madugong insidente at iyon ang isa sa mga iimbestigahan ng mga awtoridad.
“So in a way, parang yes there is a failure. But whether meron po bang accountability iyong mga tao, iyon po ang iimbestigahan natin,” paliwanag ni Aguilar.
Niyanig ng malakas na pagsabog ang Dimaporo Gymnasium sa loob ng MSU habang nagmimisa para sa mga guro at estudyante.
Nagresulta ito sa pagkasawi ng apat na tao at pagkasugat ng 39 iba pa.
Nauna nang sinabi ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. na nakatanggap ng impormasyon ang militar na posibleng retaliatory attack mula sa Dawlah Islamiyah ang pagsabog dahil sa pagkakapatay sa 11 miyembro at leaders ng mga ito sa military operation sa Maguindanao del Sur.
Sa ngayon, dalawang miyembro ng DI-Maute Group na sina Kadapi Mimbesa alyas Engineer at Arsani Membesa alyas Khatab ang sinasabing nasa likod ng pagpapasabog.
Estudiyante ng MSU si Membesa at eksperto sa paggawa ng improvised explosive device habang si Khatab ay wanted naman sa kasong murder.