Taberna

Facebook at youtube, malaking tulong sa pamilya Taberna

August 2, 2022 Vinia Vivar 326 views

Inamin ni Anthony Taberna, a.k.a Ka Tunying, na napakalaking tulong ng Facebook at YouTube sa naging gastusin nila sa pagpapagamot sa anak na si Zoey sa Singapore.

Matatandaang lumipad pa-Singapore ang mag-anak na Taberna nitong early 2022 para sa medical procedure ni Zoey na na-diagnose ng leukemia in 2019.

Nanatili sila roon nang anim na buwan at kamakailan lang umuwi na may napakagandang balitang dala na isang malaking tagumpay ang treatment at cancer-free na nga si Zoey.

Kaya namang masayang-masaya ang Taberna family nang makaharap ng entertainment press last Sunday sa birthday celebration ng misis ni Ka Tunying na si Rossel at relaunching na rin ng Taberna Group of Companies.

The event was called “Press Play.”

Ayon kay Ka Tunying, ready na silang ibenta ang bahay na tinitirhan para nga sa medical expenses ni Zoey sa Singapore.

Kinausap na niya si Rossel at tinanong kung willing ba itong tumira sa lumang bahay nila sa Novaliches sa tabi ng sementeryo.

“Alam n’yo sagot ng misis ko kaya lumakas ang loob ko? Sabi niya, ‘kahit saan tayo tumira, basta kumpleto tayo.’ Kaya sabi ko, ‘okay, go tayo,’” sey ng batikang broadcaster journalist.

Pero hindi nila inaasahan ang mga dumating na tulong dahil sa social media. ‘Yung mga dati raw niyang natulungan ay nagsitawagan sa kanya.

“Ang dami ko palang natulungang mga tao in the past na hindi ko naman inaasahang babalik. Sabi ko, napakabait talaga ng Diyos, eh,” he said.

Ngayong nalampasan na nila ang mabigat na pagsubok, panahon naman para mag-focus ang mag-asawang Ka Tunying at Roselle sa negosyo.

Ang TBG ay binubuo ng Filipino restaurant na Ka Tunying’s; premier events and multimedia company na Outbox Media Powerhouse Corp; Tune In Kay Ka Tunying YouTube Channel at ang pinakabago nilang negosyo na Catering by KT.

AUTHOR PROFILE